Buntis na worried magpa-test para sa diabetes
- BULGAR

- Nov 24, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay 5 buwang buntis sa aking unang anak. Ang sabi ng doktor, sa pagbalik ko raw ay kailangan kong magpasuri upang malaman kung ako ay may diabetes. Wala sa lahi namin ang diabetes ngunit, bakit kailangan pa ito? — Eva
Sagot
Ayon sa International Diabetes Federation, isa sa bawat pitong buntis ang nagkakaroon ng diabetes habang sila ay nagdadalantao (gestational diabetes). Ang gestational diabetes ay natutuklasan lamang habang ang babae ay buntis. Tumataas ang blood sugar habang buntis sa mga babaeng may gestational diabetes.
Ang mga batang ipapanganak ng mga babaeng may gestational diabetes ay mataas din ang tsansa na magkaroon ng diabetes sa kanilang paglaki. Kung hindi maaagapan ang diabetes ng ina habang ito ay buntis, ang bata sa sinapupunan ay nagiging overweight kaya tumataas ang peligro na magkaroon ang bata ng shoulder injury paglabas sa puwerta o mangailangan ng cesarean section para mailuwal ito.
Bakit kailangang magpa-OGTT ang buntis?
Ang oral glucose tolerance test (OGTT) ay karaniwang pinagagawa sa mga buntis na nasa ikaanim hanggang ikapitong buwan ng pagdadalantao. Puwede rin itong ipagawa ng doktor nang mas maaga o kahit lagpas dito depende sa sitwasyon ng pasyente. Sa OGTT, malalaman kung may diabetes ng pagbubuntis o gestational diabetes. Kung may gestational diabetes kasi ang buntis, nagiging labis ang timbang ng bata sa sinapupunan. Ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay puwede ring magkaroon ng Type 2 diabetes sa susunod na mga taon kahit hindi na buntis. Dahil sa peligrong ito sa bata at sa ina, kailangang magpa-OGTT para malaman kung may gestational diabetes.
Pagkatapos manganak ay karaniwang nawawala ang gestational diabetes. Nagiging normal muli ang asukal sa dugo pero, minsan, ito ay nagtutuloy na agad sa Type 2 diabetes. Sa pamamagitan din ng OGTT, ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay dapat magpaulit ng OGTT anim na linggo pagkatapos manganak para malaman kung normal na bang muli ang kanilang asukal sa dugo.





Comments