Pagpayag ni P-Duterte na mag-share ang ‘Pinas at China sa WPS, sablay!

SABLAY SI P-DUTERTE SA PHIL-CHINA JOINT EXPLORATION SA WPS — Sablay ang pagpayag ni P-Duterte na magkaroon ang Pilipinas at China ng joint exploration o joint ownership sa West Philippine Sea (WPS).
Bukod kasi sa mistulang sumuko na ang bansa sa mga pinaggagawa ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas ay malinaw na pagtataksil na ito sa bayan dahil malinaw sa Konstitusyon na labag sa batas na ibahagi sa ibang bansa tulad ng China ang mga pagmamay-ari at pakinabang ng mga Pinoy sa mga isla at karagatang sakop ng Pilipinas, period!
◘◘◘
TAMA SI SEN. CHIZ ESCUDERO, KUNG HINDI KAYA SA GIYERA, BUNGANGAAN NA LANG NI P-DUTERTE ANG CHINA, OKS NA — May punto si Sen. Chiz Escudero sa sinabi niyang kung hindi kaya sa gawa o pakikidigma ay maaaring daanin ni P-Duterte sa salita ang pagtuligsa sa pananakop ng China sa WPS.
Sa totoo lang, hindi kailangang makipaggiyera kundi ipakita na lang ng mga lider ng ating bansa na tutol sila sa pananakop ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS.
Ang masaklap, dahil sobrang love ni P-Duterte si Chinese Pres. Xi Jinping, naging bulag at bingi na siya sa panawagan ng mayoryang Pinoy na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong sinakop at inangkin ng China, hu-hu-hu!
◘◘◘
PA-PICTURE WITH AKBAY LANG PALA NI COCO ANG MAGPAPAWALA SA GALIT NI SEC. EDUARDO AÑO — Viral sa social media ang litratong magkasama sina DILG Sec. Eduardo Año at actor Coco Martin na bida sa “Ang Probinsyano” at sa larawan ay makikitang nakaakbay pa ang aktor sa DILG sec. na indikasyong hindi na galit si Sec. Año sa teleseryeng ito.
Mantakin ninyo, noong una ay galit na galit si Sec. Año sa “Ang Probinsyano” dahil sinisira raw ang imahe ng kapulisan, ‘yun pala, ang solusyon lang para mawala ang galit ng DILG sec. ay magpa-picture with akbay ni Coco, okay na, boom!
◘◘◘
KUNG ‘NGANGA’ SI PD SEGUN, DAPAT SINA MAYOR RECAFRENTE AT MAYOR FERRER NA ANG UMAKSIYON SA RAKET NI ‘EGAY’ SA CAVITE — Kung walang gagawing aksiyon si Cavite PNP Director Sr. Supt. William Segun para salakayin ang puwesto ng drop balls at color games ni “Egay” sa Bgy. Salinas, Rosario at Bgy. San Franciso, Gen. Trias, kapwa sa Cavite na ayon sa impormasyon ay ginagawa na rin itong front ng bentahan ng shabu, dapat sina Rosario Mayor Jose Voltaire Recafrente at Gen. Trias Mayor One Ferrer na ang umaksiyon dito.
Dapat tandaan nina Mayor Recafrente at Mayor Ferrer na may “war on drugs” at “war on illegal gambling” si P-Duterte kaya dapat sila na ang umaksiyon laban sa raket ni “Egay” at huwag na nilang hintaying kainitan pa sila ng pangulo, period!





Comments