Padir imbitado, pero… MAGHAHATID KAY LOTLOT SA ALTAR, HINDI SI BOYET


SA Dec. 17, 2018 ay ikakasal na muli si Lotlot de Leon sa Lebanese businessman na si Fadi El Soury sa San Juan, Batangas. Ito ang pangalawang pagkakataon na ikakasal ang aktres dahil matatandaang noong 1989 ay ikinasal na rin siya kay Ramon Christopher Gutierrez at na-annul naman noong 2008.
Pero aniya, iba ang feeling sa kasal niya ngayon.
“Ninenerbiyos ako kasi siyempre, nu’ng unang kasal ko naman, wala naman akong kinalaman sa pangyayari. Parang nag-attend lang ako,” natatawa niyang sabi nang makatsikahan namin sa taping ng Asawa Ko, Karibal Ko, her ongoing drama series sa GMA-7 kasama sina Kris Bernal, Thea Tolentino and Rayver Cruz.
Balot was only 17 nang ikasal sila ni Monching (Ramon Christopher).
“Hindi ako hands-on (noon), hindi tulad ngayon, mula sa invitation, sa giveaways, sa venue, sa damit, sa lahat. So iba, iba ang feeling,” she said.
Saan siya mas pinakaninenerbiyos?
“Sa lahat, sa lahat-lahat. Sana, maging maayos lahat. Sana, lahat ng ipinagdarasal ko, matupad. Sana, huwag umulan, although may back-up plan naman. And sana… magkakaalaman na kung sino ‘yung mga totoong kaibigan na darating,” aniya sabay-tawa.
Biro pa niya, test of friendship daw ang kanyang kasal dahil sa layo ng lugar (Batangas). But seriously, maiintindihan naman daw niya kung merong hindi makapunta.
Kasama ba sa ipinagdarasal niya ang dumating ang mother niyang si Nora Aunor?
“Siyempre naman,” sagot niya. “Whatever we had. . .” at hindi na niya itinuloy. “Gusto n’yo ‘yung iniklian ko na lang?” pagbibiro na lang niya.
May chance naman na dumating si Nora?
“Sana. Hindi ko alam, eh. Marami na akong hindi na alam,” sey pa niya.
Pero kinumpirma naman niyang darating ang ama niyang si Christopher de Leon. Ang anak naman daw niyang si Diego ang maghahatid sa kanya sa altar.
Maid of honors ang lahat ng kanyang 3 anak na babae at ang kapatid na si Matet de Leon.
Kasama naman sa best men si Rayver at ang kapatid ni Fadi.
Hindi pa raw kumpleto ang list ng ninong at ninang kaya hindi pa niya maidetalye.
Kasama rin daw sa entourage ang mga adoptive brothers na sina Ian at Kiko de Leon, pati ang kanyang mga biological sisters na uuwi pa mula sa America.
Pero ang American biological father niyang si Donald Oslon ay hindi raw makakauwi dahil katatapos lang nito ng operasyon sa US at baka raw hindi kayanin ang biyahe.
Hindi pa masabi ni Balot kung sino ang mag-o-officiate ng wedding, pero dapat daw ay Batangas official din kaya pumasok sa isip ng press si Lipa Batangas Representative Vilma Santos.
Biniro ng press ang aktres na baka ‘pag nagkataon, si Ate Vi ang nandu’n at wala si Ate Guy. Pero mas maganda siyempre kung parehong nandu’n ang Superstar at Star for All Seasons.
Gusto niya ba ‘yung idea na si Ate Vi ang magkakasal sa kanya?
“Hindi ko pa nakakausap,” natatawa niyang sabi. “We’ll see.”
Hindi pa raw niya alam kung sino ang magkakasal talaga dahil inaayos pa nila.
Samantala, kahit ikakasal na ay tuluy-tuloy pa rin ang taping ni Lotlot sa Asawa Ko, Karibal Ko kung saan ay ginagampanan niya ang ina ng karakter ni Kris.





Comments