BULLPUPS KAHIT TALO, MAY TWICE-TO-BEAT; ADAMSON ENTRA SA SEMIS NG HS VOLLEY


GINULANTANG ng De La Salle-Zobel ang reigning girls champion National University nang wakasan nito ang winning run ng huli sa pamamagitan ng 25-18, 25-12, 18-25, 25-20 panalo sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament noong Miyerkules sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.
Namuno si Alleiah Malaluan para sa Junior Lady Spikers sa itinala niyang 20 puntos, na kinabibilangan ng 7 service aces bukod pa sa 8 receptions at 7 digs.
Nag-ambag si Justine Nazareno ng 10 puntos na may nakapaloob na 7 aces para sa DLSU-Zobel na umangat sa barahang 8-2, panalo-talo at nagbigay sa kanila ng playoff berth para sa twice-to-beat slot sa Final 4.
Pinangunahan ni Faith Nisperos ang nabigong Junior Lady Bullpups sa ipinoste niyang 14 puntos.
Sa kabila ng kabiguan, sigurado na ang NU ng twice-to-beat incentive sa semis.
Sa isa pang laban, nagposte si Kate Santiago ng 12 puntos upang pamunuan ang Adamson U sa pag-angkin ng 3rd semis berth sa pamamagitan ng 28-26, 28-26, 25-13 panalo kontra UP Integrated School.
Dahil sa panalo, tumaas ang Lady Falcons sa markang 7-3, panalo-talo, isang panalo na nahuhuli sa Junior Lady Spikers na mahigpit nilang kaagaw sa No. 2 seed sa Final 4.
Samantala, nakalapit ang UST sa susunod na round makaraan ang 25-21, 25-14, 25-23 panalo kontra UE. (VA)





Comments