Basura na itinambak sa ‘Pinas mula South Korea, iuwi n’yo na!

HINDI basurahan ang Pilipinas!
Bagama’t, matagal na tayong ginagawang tambakan ng mga surplus material galing sa ibang bansa.
‘Yung mga itinatapon nila mula sa appliances hanggang sa mga damit, pinagkakakitaan pa rito, ang ending, namamatay ang negosyo ng ating mga kababayan.
Ang masaklap, pati literal na mga basura ay itinambak na sa atin.
Ilang taon lang ang nakararaan nang bumulaga ang mga basura mula Canada. Ngayon naman ay mula sa South Korea.
Hindi pa ba malinaw na isa itong pambabastos at pang-iinsulto?
Kaya kung sinasabi ng South Korean government na babawiin nila ang tone-toneladang basura, dapat ngayon na nila ito gawin.
Kunin na nila ang 5,100 tonelada ng basura na itinambak sa atin. At hindi lang dito dapat matatapos ang isyu, panagutin ang mga dapat managot.
Palibhasa, mabait ang mga Pinoy, gustuhin mang pumalag, mas nananaig pa rin ang pagiging kalmado at mapagpasensiya pero, hindi sa lahat ng pagkakataon.
Kung paano natin isinasalba ang kalikasan mula sa pang-aabuso, ‘wag naman sanang sapawan ng ganitong kawalanghiyaan.





Comments