ITINUMBA NG BLUE ROYALS SA KORONA ANG PATTS

TINAPOS ng La Consolacion College-Manila ang limang taon ng paghihintay at sila na muli ang kampeon matapos magwagi sa Game Three ng serye para sa 10th Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA).
Pinatumba ng Blue Royals ang defending champion PATTS College of Aeronautics, 75-69, noong Lunes sa LCCM Gym, salamat sa kanilang balanseng opensa at makulit na depensa upang mabalik ang tropeong huling hinawakan nila noong 2013.
Kahit lamang ng 11 ang La Consolacion noong huling quarter, 70-59, hindi sumuko ang PATTS at mag-isang bumida si Norman Torreno sa pamamagitan ng 10 sunod-sunod na puntos upang lumapit muli, 69-70, at 1:15 sa orasan.
Biglang lumamig ang opensa ng Seahorses at hindi nila mapasok ang bola hanggang napilitang bigyan ng foul ni Aldrich Lopez si Thurlough Grealy na nagmintis ng isa sa kanyang dalawang free throw upang manatiling buhay ang pag-asa ng PATTS at 16 segundo sa orasan, 71-69.
Tumawag ng timeout si Coach Lency Aransazo subalit nasayang ito ng agawin ni Jesse Bardaje ang paunang pasa at tumakbo para sa layup, 73-69. Sa gitna ng kaguluhan, naagaw muli ng Blue Royals ang bola at pinasok ni Niño Tamayo ang bola para sa huling talaan sabay tunog ng busina.
Anim sa walong manlalarong pinasok ni Coach de la Cruz ay gumawa ng walo o higit pang puntos sa pangunguna ni Paul Harley Dagunan na may 14 puntos at siya rin ang nahirang na Finals Most Valuable Player. Sinundan siya nina Tamayo at Bardaje na parehong may 13 puntos.





Comments