Babala sa mga nagka-kaedad at hindi pala-ehersisyo!

Dear Doc. Shane,
Ako ay 56-anyos at isang balo subalit, nakapag-asawang muli. Marami na akong nararanasang sakit sa katawan tulad sa aking pagkalalaki at prostate. Normal lang ba ito kapag nagkakaedad na at walang ehersisyo? — Herbert S.
Sagot
Habang tumatanda, nagkakaroon ng iba’t ibang sakit ang tao. Sa kalalakihan, hindi na iba ang pagkakaroon ng sakit, lalo na sa kanilang ari. Sa kasamaang-palad, nakaaapekto ito sa kanilang seksuwalidad at pakikipagtalik sa kanilang asawa.
Ayon sa mga urologist, 50% hanggang 80% ng kalalakihan ang nagkakaroon ng problema sa kanilang prostate oras na tumuntong ito sa edad 40.
Ang prostate ang responsable sa pagpo-produce ng enzyme na nakatutulong sa paggalaw ng sperm. Naaapektuhan nito ang pag-ihi ng indibidwal na maaaring nakaiistorbo na sa kanyang pang-araw-araw na gawain, maging sa kanyang pagtulog.
Dahil dito, isyu na rin sa kalalakihan ang kawalan ng libido o gana sa pakikipagtalik dahil nawawala ang stamina at kumpiyansa sa sarili.
Ayon sa pag-aaral, nasa 66% ng kalalakihan na may problema sa prostate ay nakararanas ng erectile dysfunction. Paliwanag ng doktor, ilan sa mga sanhi nito ay mga sakit na sumisira sa ugat ng indibidwal tulad ng diabetes, hypertension at iba pang sakit sa puso dahil naaapektuhan nito ang pagtigas ng ari ng lalaki. Bagama’t, nagagamot ito, nasa 1/3 o 33% lang nila ang nasosolusyunan ang problema sa pakikipagtalik gayundin, isyu sa kalalakihan ang impotence o pagkabaog. Samantala, kung may menopause ang kababaihan, andropause naman ang nararanasan ng kalalakihan.
Ang andropause ay ang pagbaba ng produksiyon ng testosterone sa lalaki na nakababawas sa kanilang sigla sa kanilang buhay-pakikipagtalik subalit, hindi ito pinagdaraanan ng lahat ng lalaki. Gayunman, ipinapayo ang regular na pagpapa-check-up sa inyong doktor para malaman o maagapan ang iba pang sakit na dumarapo o nararanasan ng kalalakihan kapag nagkakaedad na.





Comments