Matitinding batas para sa kalikasan, binalewala | Lahat ng bumaboy sa Boracay Island, walang lusot!

ISANG malaking dahilan kaya nababoy ang Boracay Island ay ang pagdami ng mga iligal na resort at iba pang gusali sa isla na itinayo ng mga mayayamang oligarkiya na may “konek” sa dating administrasyon.
Isa sa mga resort ay pag-aari umano ng pinsan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, ang Playa Asya Resort na itinayo diumano sa lupang dapat ay forestland.
Ayon sa batas, hindi maaaring magtayo ng anumang permanenteng istruktura sa forestland.
May kasong kriminal nang inihain ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Ramon “Choy” Cojuangco, Jr., presidente ng Playa Asya Resort na siya rin umanong nagpapatakbo ng dalawang resort-hotel sa Barangay Manoc-Manoc, ang Asya Boracay at Asya Premier Suites.
Kinasuhan si Cojuangco ng paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised Forestry Code sa iligal nitong pagtayo ng resort at hotel sa forestland.
Sa kasong isinampa sa Department of Justice, kinasuhan din si Cojuangco at iba pang opisyales ng kanyang kumpanya ng paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Local Government Code.
Kilala ang resort ni Cojuangco bilang sosyal o high-class na resort sa Isla ng Boracay kung saan maraming mga tanyag na tao at artista ang pumupunta. Si Choy Cojuangco ay kapatid ni Tony Boy Cojuangco, ang partner ni Gretchen Barretto.
At bago pa sabihin ng iba r’yan na bakit ang mga dilawang Cojuangco lang ang tinitira, kinasuhan din ng NBI Task Force Boracay ang iba pang may-ari ng mga resort na lumalabag sa batas na ito.
Kaparehong kasong kriminal ang isinampa sa DOJ laban sa Kingfisher’s Farm and Sky Garden de Boracay.
Inakusahan din ng NBI ang Kingfisher’s Farm ng aquatic pollution sa ilalim ng Philippine Fisheries Code.
Sa totoo lang, matindi ang mga batas ng Pilipinas para sa proteksiyon ng kalikasan, lalo na ang malaparaisong Isla ng Boracay.
Bago nagpasukan ang mga iligal na resort sa Boracay at dumami nang husto ang mga tao, napakalinis ng tubig at putimputi pa ang buhangin sa beach.
Kaya nang madiskubre ng gobyernong Duterte ang pambababoy sa Boracay ay ipinasara niya ito noong Abril.
Anim na buwan na nilinis ng ahensiya ng gobyerno ang Boracay sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources.
Ngayon, malinis na ang Boracay Island kaya istrikto na ang opisyales sa pagsunod sa batas.
Hindi rin palulusutin ang mga dating opisyal na nagpabaya sa kanilang trabaho na pangalagaan ang kalikasan sa Isla ng Boracay.
Kinasuhan ng NBI ng graft at korupsiyon ang mga dating lokal na opisyal sa lugar tulad nina Malay, Aklan Municipal Mayor Ceciron Cawaling, dating mayor ng Malay John Yap at iba pang opisyales na siyang nagbigay ng mga permiso o clearance sa tatlong resort na nabanggit.
Noong Oktubre, sinuspinde ng Ombudsman si Mayor Cawaling na nahaharap din sa iba pang mga reklamong administratibo dahil daw sa pagbibigay nito sa 2,000 establisimyento ng mga business permit kahit walang fire safety clearance, building code certificate at iba pang dokumento ang mga ito.
Noong nakaraang linggo, nagsampa rin ang NBI ng kasong graft at malversation laban kina Cawaling, Aklan Gov. Florencio Miraflores, Vice-Governor Reynaldo Quimpo at iba pang opisyales dahil diumano sa iligal na paggamit nila ng P84 milyong pondo na para sa Boracay Island.
Ang unang batch ng kinasuhan ng pagtayo ng iligal na mga imprastruktura sa Isla ng Boracay ay ang mga sumusunod: Boracay West Cove, Denichi Boracay Corporation, Seven Seas Boracay, Tanawin Resort at Karuna Boracay Suites.
Ayon sa gobyerno, sinisira raw ng mga resort na ito ang kalikasan sapagkat ang mga gusali at operasyon nila ay nasa mga forestland at pati na rin sa wetlands na nakasisira sa ecosystem ng isla.





Comments