UNRATED JURIPAE NG SULU, NANGGULAT SA YOUTH CHESS; GM CARLSEN, PUMATAS
- Eddie M. Paez, Jr.
- Nov 20, 2018
- 1 min read

NANANATILING patas pagkatapos ng pitong yugto ang nagaganap na World Chess Championship na duwelo sa pagitan ng kasalukuyang kampeon na si GM Magnus Carlsen mula sa Norway at ang humahamon na si Italian-American GM Fabiano Caruana sa London.
Pero noong round 6, sinasabi ng marami na kumbaga sa boksing, groge na si Carlsen at muntik nang makasilat si Caruana pero kinapos lang siya ng oras at hindi na mapabagsak ang depensa ng Norwegian pagkatapos ng marathon 80-moves, 6.5 oras na bakbakan.
Kasalukuyang napako ang iskor sa 3.5-3.5. Kung sino ang unang makakaiskor ng 6.5 puntos ay siya ang magkakampeon. Pagkatapos ng 12 games at tabla pa rin, magkakaroon ng serye ng tiebreakers.
Samantala, patuloy ang mga aktibidades sa paghanap ng mga susunod na bituin ng chess sa bansa. Sa mga batang disipulo ng ahedres sa Sulu, ginulat ni 20th seed Geodel Juripae ang mga paborito sa pamamagitan ng pitong panalo sa loob ng pitong rounds para angkinin ang korona ng USCCT Tournament sa Santanina Sports Complex ng Sulu.
Nairehistro ang performance rating na 1800 para sa unrated na batang kampeon. Si 13th ranked Gafur Ibba naman ang nakakuha ng runner-up honors (5.5 puntos) samantalang pumangatlo at pumang-apat sina Shamier Gandawali (10th seed, 5.0 puntos) at Ramin Gauran (11th seed, 5.0 puntos).





Comments