Nasa drug list ni P-Digong | PULIS HULI SA SABUNGAN
- Jeff Tumbado
- Nov 20, 2018
- 1 min read
ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na sabong sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng Counter Intelligence Task Force (CITF) sa Bgy. Bayanan, Muntinlupa City.
Nakilala ang suspek na si PO2 Yob Enguio na kasalukuyang nakatalaga sa Basilan Police Provincial Office (BPPO).
Bukod sa pulis, arestado rin ang lima pang kasamahan ni PO2 Enguio.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana, huli sa aktong sumusugal sa iligal na sabungan ang pulis, alas-10:00 kamakalawa ng umaga.
Nakumpiska mula sa posesyon ni PO2 Enguio ang apat na panabong na manok, dalawang gaffing blade at bet money na P8,600.
Nag-ugat ang naturang operasyon mula sa isang reklamo na ipinadala ng isang concerned citizen kaugnay sa tupadahan na ginaganap tuwing Linggo sa kanilang lugar na umano’y mina-manage ng isang pulis.
Kasalukuyang nakaditine sa CITF detention cell si PO2 Enguio at nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 455 o batas laban sa illegal cockfighting.
Si Enguio ay dating nakadestino sa NCRPO Regional HQS, Regional Police Holding and Accounting Unit (HAU) pero nailipat ito sa Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao, partikular sa Basilan dahil sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na droga sa Muntinlupa.
Dagdag pa ni Durana, si Enguio ay itinuturing na level 2 target sa drug matrix ni Pangulong Rodrigo Duterte.





Comments