top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Mental, pisikal at emosyunal na aspeto ng mga mag-aaral, bigyang-pansin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 20, 2018
2 min read

NORMAL sa atin ang makaramdam ng nerbiyos o self-consciousness sa iba’t ibang sitwasyon tulad ng pagsasalita sa harapan ng maraming tao o sumali sa mga paligsahan.

Ngunit, ibang kaso na kapag social anxiety disorder (SAD) na ang pinag-uusapan. Ang taong mayroon nito ay nakararamdam ng matinding takot na mapahiya, walang pagtitiwala sa sarili at iniisip niyang siya ay pipintasan ng iba dahil mababa ang tingin sa kanyang kakayahan.

Ayon sa National Institute of Mental Health, ang SAD ay nagmumula sa kapaligiran at namamana mula sa mga magulang.

Nagagamot ito sa pamamagitan ng epektibong therapy tulad ng psychotherapy, pagtitiyaga at paglalaan ng oras sa tulong ng mga psychiatrist, psychologist, clinical social worker at guidance counselor. Maaari ring kailanganing uminom ng anti-anxiety medications, anti-depressants at beta-blockers.

Sa loob ng klasrum, narito ang ilang karaniwang senyales at sintomas ng estudyanteng may SAD:

  • Namumula ang mga pisngi.

  • Nanginginig at mabilis ang tibok ng puso.

  • Blangko ang isip.

  • Nakararamdam ng sakit ng tiyan o parang nasusuka.

  • Hindi tumitingin sa mga mata at mahina kung magsalita.

  • Nakararamdam ng takot at ayaw makipag-usap sa iba.

  • Nahihiya at umiiwas sa kaklase o guro.

Ikinuwento ng isang magulang na si Gng. Tan na may Social Anxiety Disorder (SAD) ang kanyang anak na si Marivic, Grade 8 sa isang private school sa Bulacan.

Napansin ng class adviser ni Marivic na hindi palakibo ang estudyante, mag-isa at hindi pala-recite.

Mula nang malaman ni Gng. Tan na mayroon siyang SAD ay nagtulung-tulong ang mga guro at kamag-aral upang mawala ang kanyang nararamdaman.

Palagi na siyang isinasama sa canteen, kuwentuhan, birthday parties, group work at hinikayat na sumali sa school clubs at organizations.

Ngayon, malaki na ang ipinagbago ni Marivic at nakikihalubilo na ito sa kanyang mga kaklase.

Ayon sa mga eksperto, malaki ang maitutulong ng support group sa batang may SAD dahil nagkakaintindihan sila sa kanilang kinahaharap na problema.

Dahil maipauunawa nila sa bawat isa ang mga maling kaisipan laban sa sarili tulad ng panghuhusga o rejection at sa halip ay hikayatin ang isa’t isa na magkaroon ng positibong pag-iisip.

Ating tandaan, may hindi magandang epekto ito sa estudyante kapag hindi naagapan ang SAD.

Kabilang na rito ang makasasagabal sa kanyang pag-aaral at lubos na maaapektuhan ang relasyon at pakikipagkapwa-tao.

Ngunit, may maitutulong dito ang ating mga guro upang masolusyunan ito:

  • Engganyuhin ang estudyante na sumali sa group activities.

  • Gumamit ng individualized setting na estilo ng pagtuturo. Lapitan at tulungang matapos ang pag-aaral upang hindi makadama ng pagkapahiya.

  • Regular na baguhin ang seating arrangement sa klasrum at iwasang may mapahiyang mag-aaral sa harap ng lahat.

  • Igalang ang kanilang privacy.

Bilang mga guro, hindi lamang responsibilidad ang mga nabanggit kundi isa rin itong oportunidad upang personal na makilala ang mga tinuturuang estudyante at maiparamdam sa kanila na may pakialam tayo sa kanilang mental, pisikal at emosyunal na nararamdaman.

Dahil dito, patuloy lamang nating alagaan, tutukan at sikaping maibalik ang kumpiyansa sa sarili at sa ibang mga estudyanteng may SAD.

Tulad ng paalala ng nakararami, walang makapapantay sa sakripisyo at pagmamahal ng mga guro sa kanilang mga estudyante.

Huwag sanang magsawa ang ating mga guro na maipakita ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page