SOTTO, BUMIDA SA BLUE EAGLETS, BABY FALCONS PINAHIRAPAN


DINAGIT ng defending champion Ateneo de Manila ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos igupo ang Adamson University, 75-59, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 Juniors’ Basketball Tournament sa Blue Eagle Gym.
Nagawang manaig ng Blue Eaglets sa kabila ng hindi paglalaro ng kanilang ace playmaker na si Forthsky Padrigao, na nagpapagaling matapos maoperahan sa kanyang appendicitis kamakailan.
Muli namang namuno para sa Ateneo ang higanteng si Kai Sotto na umiskor ng 27 puntos at 20 rebounds kasunod si David Diaz na mayroon ding double-double 13 puntos at 15 rebounds.
“We didn’t play a perfect game today but I’m extremely proud of my boys this week, the whole week. Forthsky went out due to his appendectomy. Instead of using that as an excuse for us to not work hard,” wika ni Blue Eaglets coach Reggie Varilla.
Nanguna naman si Joem Sabandal para sa Baby Falcons sa ipinoste nitong 23 puntos.
Sa sumunod na laban, nakabawi naman mula sa natamong 61-74 kabiguan sa kamay ng Ateneo noong opening ang University of Santo Tomas nang pataubin nila ang University of the Philippines Integrated School, 75-63.
Nagtapos na may tig-21 puntos sina John Bismark Lina at Mark Nonoy upang pangunahan ang naturang bounce back win ng Tiger Cubs. Bumaba ang Baby Falcons sa patas na markang 1-1, panalo-talo habang nanatiling walang panalo ang UPIS matapos ang dalawang laro sanhi ng natamong pagkabigo. (VA)





Comments