Pagsasalarawan sa PNP, dapat palaging maganda para hindi magreklamo?! Hmmm…
- BULGAR

- Nov 19, 2018
- 2 min read
MUKHANG nakatulong ang ‘power nap’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Singapore na maibalik ang kanyang sarili. Tinira nang husto ang International Criminal Court at nagpahayag na wala silang karapatang hulihin at sampahan ng kaso dahil sa paglabag sa human rights.
Kinuwestiyon din ang mga mahistrado ng ICC kaya binansagan niya ang ilan na mga “pedophile”. Siyempre, namulaklak sa mura ang kanyang talumpati at hindi rin pinalampas ang Magdalo na tinawag niyang mga “buang” ang mga miyembro nito at ikinumpara pa sa ISIS. Kung matatandaan natin, binatikos ni Rep. Gary Alejano ang hindi pagdalo ni P-Duterte sa ilang miting sa Singapore kasi natulog ang pangulo at hindi ito pinalampas ni P-Duterte. Marami ang pumuna sa pagtulog niya sa Singapore. Anim na miting ang hindi nadaluhan dahil sa pagtulog. Ayon sa Palasyo, nagpahinga lang ang pangulo kaya hindi ito dapat gawan pa ng isyu, palaging ganyan ang pahayag ng Palasyo sa lahat ng kakaibang kilos ng pangulo.
◘◘◘
Hindi pa talaga handa ang kultura ng Pilipino, partikular itong administrasyon, sa pamimintas o sa masamang pagsasalarawan. Binawi ng PNP ang suporta sa palabas na “Ang Probinsyano” dahil sa masamang pagsasalarawan sa PNP. Pinag-iisipan ng DILG na sampahan ng kaso ang nasabing palabas dahil sa masamang pagsasalarawan sa kapulisan kaya malilito raw ang publiko. Hindi raw patas at tama ang pagsasalarawan sa PNP ng palabas.
Kung ganu’n lahat ng sine, teleserye o drama sa radyo ay dapat palaging ilagay ang PNP sa magandang sinag o sa magandang pagsasalarawan? Ganyan ba sa tunay na buhay, wala bang mga insidente o krimen kung saan sangkot ang mga pulis at ano pala ang kaso ni Jee Ick Joo? Paano kung may palabas na nagpapakita ng masamang pagsasalarawan sa mga abogado, doktor o nurse, puwede na rin ba silang magreklamo tulad ng PNP kung hindi batay sa totoong buhay ang palabas, ano ang isyu nila at tila kontrolado na ng gobyerno ang lahat?





Comments