LADY SCORPIONS, KAMPEON SA 49TH WNCAA SENIORS TOURNEY
- A. Servinio
- Nov 19, 2018
- 1 min read

NAGPAMALAS muli ng kakaibang husay at lakas ang Centro Escolar University upang walisin ang 49th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) Seniors Basketball Tournament. Pinarusahan ng Lady Scorpions ang Philippine Women’s University Lady Patriots, 78-39, upang wakasan agad ang seryeng best-of-three Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagtrabaho ng husto ang depensa ng CEU lalo na noong huling quarter kung saan anim na puntos lamang ang nagawa ng PWU habang nagbuhos ng 27 puntos ang Lady Scorpions at hindi na sila nahabol pa.
Nagwagi ang Lady Scorpions sa unang laro ng serye, 75-68, noong Nobyembre 11 sa Saint Jude Catholic School.
Ginamit ni Mercy Lawan ang kanyang katangkaran kontra sa mas maliit na kalaban upang magpasabog ng 17 puntos at mapili bilang Most Valuable Player of the Finals. Sinundan siya ni Stefhanie Ventura na may 14.
Dahil sa kanyang ipinakita sa buong torneo, itinanghal ang tubong Pangasinan na si Jenina Solis bilang MVP ng taon. Sinamahan siya sa Mythical ng kakamping si Rosemarie Gayo.
Nanguna para sa Lady Patriots si Charlene Camba na may 12 puntos. Tinulungan siya ni Mary Rose Labrador na may walong puntos.





Comments