Pulis nang-hostage, nag-suicide

DEDO ang isang pulis matapos magbaril sa sarili ilang oras nang i-hostage nito ang isang babae sa Bantay, Ilocos Sur.
Isang tama ng bala sa pisngi na tumagos sa baba mula sa ginamit na sariling service firearm ang sanhi ng pagkamatay ni PO1 Rolly Dizon, nakatalaga sa Ilocos Sur Provincial Police Office.
Ayon kay Police Senior Insp. Ramil Llaneras, naganap ang insidente sa isang bahay sa loob ng subdivision sa Bgy. Aggay pasado alas-12 ng hatinggabi ng Sabado.
Bigla na lamang umanong sinunggaban ni Dizon ang isang babae at sa hindi pa matukoy na dahilan ay ginawang hostage ito.
Rumesponde ang ilang tauhan ng SWAT at kasamahan ni Dizon gayunman, habang nasa kalagitnaan ng negosasyon ay biglang ipinutok ni Dizon sa kanyang pisngi ang hawak na baril.
Sinubukan pa umanong dalhin si Dizon sa ospital subalit, dead-on-arrival na ito.
Sa inisyal na imbestigasyon, inabandona umano ni Dizon ang kanyang duty para magpasama sa kanyang ina dahil masama umano ang pakiramdam nito.
Habang sakay ng traysikel ay narinig na lamang ng ina na pinabibilisan ng kanyang anak ang takbo dahil may mga armadong lalaki umano ang sumusunod sa kanila at papatay sa kanya.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pangyayari.





Comments