PINOY, MADODOMINA KAYA ULI ANG ALL JAPAN 9-BALL C’SHIPS?

MAUULIT kaya ang dominasyon ng mga bilyaristang Pinoy sa World Pool Billiards Association (WPA) - rated na All Japan 9-Ball Championship kung saan isang 1-2 finish ang naiposte ng mga ito noong 2017?
Unti-unting magkakahugis ang sagot sa katanungang ‘yan sa pag-arangkada ngayong Linggo ng 2018 edition ng prestihiyosong event na may mahigit $56,000 cash pot at masasaksihan sa Amagasaki-City, Hyogo, Japan.
Nasa listahan ng seeded cue artists sina WPA no. 3 at 2017 World 9-Ball Championship winner Carlo “Black Tiger” Biado, 2017 All Japan Championships king Johann Chua, WPA no. 10 Roland Garcia, Jeffrey Ignacio at Jeffrey De Luna.
Kasama ni Biado, 2017 World Games 9-Ball gold medalist sina Chua, Garcia at Ignacio sa koponan ng bansa na humarap at nagtagumpay sa tatlong araw na Philippines -Taiwan duel sa larangan ng bilyar.
Ang panglimang miyembro ng Philippine team ay ang alamat na si Efren “Bata” Reyes.
Nakahambalang sa pagnanais ng cue artists ng bansa na makopo ang kampeonato at ang papremyong salaping nagkakahalaga ng $16,185 ang mga pamatay na bilyarista ng Taiwan na sina U.S. 9-Ball International Open titlist at WPA no. 2 Jung Lin Chang, si WPA no. 5 Ping Yi Ko at WPA no. 7 Wu Kun Lin; ang Aleman at WPA no. 12 na si Thorsten Hohmann, si WPA no. 11 Jin Hu Dang ng China at ang local pride Oi Naoyuki.





Comments