NU PEP SQUAD, MULING NAG-CHAMP SA UAAP CHEERDANCE COMPETITION
- BULGAR

- Nov 18, 2018
- 1 min read

GAYA ng kanilang ginamit na tema sa kanilang presentasyon, nakabalik sa podium at muli pang nagkampeon ang season host National University Pep Squad kahapon sa UAAP Season 81 Cheerdance Competition sa MOA Arena sa Pasay City.
Mula sa fourth place finish noong isang taon, nabawi ng NU ang titulo sa pamamagitan ng kanilang Mexican inspired routine. Ang titulo ang ikalima ng NU Pep Squad sa loob ng anim na taon.
Ibinase ng Bustillos-based cheerdancers ang kanilang presentasyon sa animated film noong taong 2017 na tinampukan ng Mexican holiday na Day of the Dead.
Pumangalawa sa kanila at nakabalik din sa podium ang Far Eastern University Cheering Squad sa ipinakita nilang funk inspired routine na nauso noong dekada 70. Nanatili namang nasa podium ang last season champion Adamson Pep Squad na siyang nagtapos na second runner-up.
Sa side event na group stunts competition, wala ring ipinagkaiba ang mga nagwagi sa main event matapos na angkinin ng National University ang titulo makaraang ungusan ang mga naging mahigpit na katunggaling FEU Pep Squad at Adamson Pep Squad na siyang tumapos na pangalawa at pangatlo ayon sa pagkakasunod. (VA)





Comments