Kapansanan, hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap sa buhay!
- BULGAR

- Nov 17, 2018
- 2 min read
MAYROONG napakagandang balita tayong nasagap nitong nakaraang linggo. Ang Filipino Sign Language (FSL) na isinulong natin sa Senado ay ganap nang batas!
Sadyang nakatutuwa ang pagbibigay-respeto at pagpupugay sa ating mga kababayang may kapansanan. Dahil mayroon man silang kakaibang katangian sa karamihan ay hindi ito nagiging balakid upang magampanan nila nang mahusay ang kanilang mga role sa buhay mapa-personal man o sa trabaho.
Sa bisa ng Republic Act No. 11106, ang FSL na ang magiging medium of official communications sa lahat ng transaksiyon ng deaf community at naniniwala tayong ang pagsasabatas sa FSL ay magbibigay-daan upang mabigyan ang ating deaf community ng access sa mas maraming oportunidad sa edukasyon at mga transaksiyon sa gobyerno.
Kaya panawagan natin sa Komisyon ng Wikang Pilipino at iba pang mga ahensiyang concerned sa batas na ito, agad sana nating pagtuunan ng pansin nang magkaroon na ng implementing rules and regulations (IRR) ang FSL Act. Sana, magkaroon na nito upang sa wakas ay maipatupad na ang FSL para sa deaf community.
Sa ilalim ng batas na ito, mabibigyan ng qualified interpreters at materyales na akma sa deaf community ang mga ahensiya ng pamahalaan upang mas madali silang mabigyan ng assistance sa anumang nais nilang talakayin sa gobyerno.
Kaugnay nito, ang FSL na rin ang magiging language of instruction para sa deaf education dahil naniniwala tayong napapanahon nang isama ang FSL at Braille sa curriculum ng mga eskuwelahan upang ang lahat ng mga estudyanteng mayroon mang kapansanan o wala ay magkaroon ng maayos na access sa de-kalidad na edukasyon.
Ang lahat nito ay naglalayong ipadama sa ating deaf community na hindi sila naiiba sa atin na may kapansanan man sila ay hindi ito dapat maging hadlang upang makamtan nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.





Comments