top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Rice Tariff Bill, lusot na | Presyo ng bigas, bababa na sa wakas!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 16, 2018
3 min read

MABUTI at tinugunan ng Senado ang ma­tagal nang hiling ng Palasyo na ipasa ang Rice Tariff Bill na siyang magpapababa ng presyo ng bigas.

Nakapasa na sa huling pagbasa sa Mataas na Kapulungan ang panukalang-batas na mag­papaluwag sa pag-angkat ng imported rice sa bansa.

Layunin ng Rice Tarrification Bill na matapos na ang problema ng ating bansa, ang pabagu-bagong presyo at supply ng bigas. Kaugnay nito, noong Agosto, naipasa na sa Kongreso ang Rice Tariff Bill.

Ayon sa gobyerno, inaasahang kapag epek­tibo na ang batas ay bababa na ang presyo ng bigas ng P7 kada kilo.

Isipin ninyo, napaka­murang bigas at napa­kalaking tulong nito, lalo na sa ating mga kaba­bayan, gayundin, balak umano ng batas na tanggalan ng awtoridad ang National Food Au­thority sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa kasama na ang kapangyarihan nitong mag-isyu ng lisensiya o permiso sa mga negos­yanteng gustong mag-import ng bigas.

Ang nangyari kasi sa NFA ay sumobra ang regulasyon nito sa bigas at nariyan pa ang mga balita ng korupsiyon, lalo na noong dating administrasyon.

Bagaman, sang-ayon tayo sa layunin na maprotektahan ang ating lokal na magsasaka, dapat pa rin balansehin ito sa pangangailangan ng mayorya para sa regular na supply ng bigas.

Araw-araw, kumakain ang mga Pilipino ng kanin, mula agahan haggang hapunan at hindi kaya ng lokal na produksiyon na matugunan ang malaking demand na ito sa bigas.

Matagal pa bago natin mapalalago ang ating sektor sa agrikultura na ilang dekada na ring napabayaan.

Ang maganda sa Rice Tariff Bill, ipag-uutos nito ang pagtatayo ng Rice Competitiveness En­hancement Fund (RCEF) para sa kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka.

Ang pondong ito ang gagamitin para matu­lungan ang mga nagtatanim ng bigas sa pa­mamagitan ng pagbigay ng tulong-pinansiyal para sa pagbili ng mga binhi, punla at iba pang kagamitan.

Gayundin, ito ang magbibigay ng pautang sa mga magsasaka at kooperatiba kung nais nilang palawakin ang kanilang mga taniman.

Ito ang mag-aayos ng pagtuturo ng mga modernong pamamaraan ng pagsasaka ka­bi­lang ang farm mechanization.

Ayon sa Rice Tariff Bill, ang mga bigas mula sa Association of Southeast Asian Nations mem­bers ay papatungan ng taripa o buwis ng 35%. Ang rice imports mula sa ibang bansa na hindi ASEAN ay 50% ang taripa.

Lahat ng makokolektang buwis mula sa iniaangkat na bigas ay mapupunta sa RCEF na pondong gagamitin para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Ang pondong ito ang magsisiguro na hindi madedehado ang mga magsasaka kahit pa pumapasok ang imported na bigas.

Isa pang magandang balita, pangkontra sa inflation ay ang pagsuspinde ng buwis sa ga­solina at iba pang petrolyo sa papasok na Bagong Taon.

Nakaiskedyul sana ang P2 pagtaas ng fuel excise tax sa Enero 2019, pero dahil sa reko­mendasyon ng miyembro ng gabinete na ka­ilangang tugunan ang inflation sa bansa, nag­desisyon ang Palasyo na isuspinde muna ito.

May probisyon sa TRAIN Law na sinasa­bing maaaring masuspinde ang buwis sa petrolyo kapag ang presyo ng Dubai crude oil ay lalampas ng $80 bawat bariles.

Ang mabilis na pagkilos ng gobyernong Duterte laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay pagpapatunay na nag-iisip ang opis­yales nito at alam nilang tugunan ang mga pagbabago sa merkado dahil hindi ito natutulog sa pansitan tulad ng dating dilawang opisyales pero, sana, huwag nating kalimutan na mahalaga ang TRAIN Law na naipasa.

Mula rito, makukuha ng gobyerno ang pon­do para makapagpagawa ng maraming im­prastruktura para sa bansa tulad ng mga sub­way, tren, karagdagang tulay, daan at iba pa.

Lahat ng bansa sa mundo ay may buwis at ang importante ay nagagamit ng gobyerno ang pondo mula sa buwis para mapabuti ang buhay ng mamamayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page