Customs, hawak na ng sundalo, nalulusutan pa rin ng mga smuggler, tsk-tsk-tsk!
- BULGAR

- Nov 16, 2018
- 2 min read
NAGMISTULANG SPOKESMAN NG CHINA SI P-DUTERTE SA ASEAN SUMMIT—Sa ASEAN Summit nang tanungin si P-Duterte ng mga mamamahayag tungkol sa mga isla ng Pilipinas na sinakop ng China, ang naging tugon niya ay dapat na raw tanggapin ng Amerika at ng iba pang bansa ang katotohanan na ang mga disputed island sa South China Sea ay nasa kamay o nasa kontrol na ng China na kesyo huwag na raw itong panghimasukan para raw iwas-giyera.
Aba, teka, ano ba itong si P-Duterte, pangulo ba ng Pilipinas ang turing nito sa kanyang sarili o spokesman ng China? Buwisit!
◘◘◘
MAS IMPORTANTE ANG WPS KAYSA 3 BALANGIGA BELLS—Ang ginawang pagmumura ni P-Duterte sa Amerika ang dahilan kaya raw nagpasya ang United States na ibalik sa Pilipinas ang tatlong Balangiga Bells na tinangay ng mga sundalong Kano sa tatlong Simbahan sa Balangiga, Samar noong 1901 Filipino-American War.
Ganu’n ba? Okay, good, eh, ang tanong, kailan kaya mumurahin ni P-Duterte ang China para maibalik sa Pilipinas ang mga isla sa West Philippine Sea (WPS) na inangkin ng China?
Sa totoo lang, mas importante at kapaki-pakinabang sa mga Pinoy ang WPS kaysa tatlong kampana, period!
◘◘◘
CUSTOMS, KAHIT NASA MILITARY CONTROL NA; SMUGGLING, TULOY PA RIN—Sa kabila na isinailalim na ni P-Duterte sa military control ang Bureau of Customs sa pamumuno ni newly appointed Commissioner ex-AFP Chief Gen. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerero, hindi pa rin daw naglulubay sa kanilang smuggling operations sina “JRT”, “Tina U”, “Bebang”, “Kimberly”, “Big Mama”, “Leah”, “Cheng”, “Manny”, “Lucio”, “Boy Valenzuela”, “Jojo”, “Bangayan”, “Edwin”, “Sammy”, “Joel” at “Wong”.
Iyan ba ang sinasabi ni P-Duterte na matitigil na ang smuggling dahil nasa military control na ang Adwana? Pwe!





Comments