35 NI GEORGE SA THUNDER, NANLUSAW SA NY KNICKS


SIYA na naman ang humalili dahil injured si Russell Westbrook, umiskor si Oklahoma City’s Paul George ng 35 puntos nang manaig ang Thunder sa New York Knicks, 128-103 kahapon sa Chesapeake Energy Arena. Nakapagwagi ang Oklahoma ng 9 na ulit sa 10 laro.
Hindi na lumingon pa ang Thunder, nang lumamang na sa 15 makaraan ang unang quarter at hindi na hinayaang makadikit ang Knicks sa 10 puntos. Bumanat si George ng 17 sa third quarter kaya umalagwa ang Oklahoma sa 35 puntos.
Samantala, sa iba pang laban, nakagawa si Reggie Bullock ng 5-foot fadeaway jumper sa buzzer mula sa assist ni dating Raptor Jose Calderon para ibigay sa Detroit Pistons ang 106-104 victory sa Toronto.
Tumabo si Blake Griffin ng 30 puntos at sumunggab ng 12 rebounds upang bitbitin ang Pistons para makabawi sa 19 puntos mula sa pagkaiwan sa 3rd quarter. Ang panalo ang masaya niyang pagbabalik sa Toronto para kay Pistons coach Dwane Casey na sinibak noong offseason matapos ang 7 seasons bilang Raptor coach. Nakatanggap si Casey ng mainit na palakpakan at video tribute sa kanyang pagbabalik. (MC / ATD)





Comments