Search
  • Eddie M. Paez, Jr.

GM SO, PAKAY ANG TITULO SA TATA; IM GARMA HARI SA SENIORS CHESS


NANGOLEKTA si Pinoy Grandmaster Wesley So ng apat na malulupit na panalo mula sa limang mga laro upang makasibad sa magandang puwesto sa kanyang paghahangad na makuha ang titulo pagkatapos ng siyam na rounds ng Tata Steel Chess India 2018 Blitz sa Kolkata, India.

Pagkatapos ng matamlay na arangkada (tatlong draw at isang talo) sa torneong nilahukan lang ng mga piling disipulo ng paspasang chess sa loob at sa labas ng India, tinarakan ni So ng kabiguan ang kampanya nina Indian GM Pentala Karikrishna (round 5), GM Shekhar Surya Ganguly mula pa rin sa India (round 7), Azerbaijan GM Shakhriyar Mamedyarov (round 8) at GM Sergey Karjakin ng Russia (round 9). Tanging si GM Levon Aronian ng Armenia (round 6) ang nakaiwas sa pagkatalo nang makipaghatian sa kanya ng puntos ang Pinoy. Dahil dito, sumibad sa pangalawang puwesto sa overall standing ang tubong Cavite na chesser sa kartadang anim na puntos. Kalahating puntos na lang ang agwat sa kanya ng tumatrangko at topseed na si American GM Hikaru Nakamura. Nasa pangatlong baytang si Aronian sa naipon nitong 5 at kalahating puntos. Sosyo sa pang-apat na puwesto ang Indian aces na sina GM Vishwanthan Anand.

Samantala, dinaig ni International Master Chito Garma ang 34 iba pang woodpushers upang tanghaling hari ng 2018 Asian Seniors Chess Championships sa Tagaytay City. Sinakyan ng 54-anyos na Pinoy ang pitong panalo at dalawang tabla para makaipon ng walong puntos papunta sa trono ng Standard Chess. Kasama sa mga dinaig ni Garma ang 2017 titlist na si GM Eugenio Torre. Si IM Angelo Young naman ang nanalo sa bakbakan sa Rapid Chess at sa Blitz Chess.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.