- BULGAR
ATENEO, HANDA NA SA FINAL 4

IPINAKITA ng defending champion Ateneo de Manila ang kahandaan nila patungo sa Final Four matapos kumpletuhin ang pagwawalis sa lahat ng pitong laro nila sa second round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament kahapon sa pamamagitan ng 102-62 pagdurog sa University of Santo Tomas sa MOA Arena sa Pasay.
Buhat sa panimulang 16-0 blast sa unang anim na minuto ng first period, hindi na lumingon pang muli ang Blue Eagles hanggang maangkin ang panalo. “We’re happy with the win because one of the first things we told the team is that coach Tab wasn’t there, but his system is already in place,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sandy Arrespacochaga na pansamantalang naupo sa bench para sa may sakit nilang head coach na si Tab Baldwin.
Namuno sa panalo si Ivorian rookie recruit Angelo Kouame na tumapos na may 22 puntos kasunod ang kapwa rookie na si William Navarro na may 17 puntos. “We didn’t want to take a step back or relax. That’s just our sentiments today,” ayon pa kay Arespacochaga.
Nakatitiyak na ng top seeding, hihintayin na lamang ng Blue Eagles kung sino ang makakatunggali nila sa Final Four.
Para sa Growling Tigers na nagtapos ang kampanya ngayong season sa markang 5-9, nanguna si Renzo Subido na may 18 puntos. (VA)