Search
  • BULGAR

Proyektong free WiFi sa state universities and colleges, malaking tulong

SONNY ANGARA / AGARANG SOLUSYON

MADALAS, kapag biglaang bumibisita ang mga operatiba ng pulisya sa mga computer shop sa gabi, makakikita sila ng mga menor-de-edad na inaabot nang dis-oras sa pagko-computer.

Bagamat, ang iba ay abala sa online games, marami ang gumagawa ng assignment o research. Karamihan sa mga batang ito ay galing sa mga simpleng pamilya na hindi kayang bumili ng sariling computer, lalo na ang magpakabit ng WiFi dahil dagdag-gastos ito sa pamilya.

Gayunman, nitong nakaraang linggo, magan­dang balita dahil pormal nang idineklara ng Natio­nal Telecommunications Commission ang Misla­tel bilang provisional third Telco provider na papasok sa bansa. Ang Mislatel ay consortium ng China Telecom at Udena Corp. and Chelsea Logistics ng businessman na si Dennis Uy. Ang Mislatel, para sa kaalaman ng lahat ay dumaan sa bidding kasama ang iba pang Telco providers.

Dahil dito, tayo ay umaasang mapabibilis na ang implementasyon ng proyektong libreng WiFi ng gob­yerno sa mga pampublikong lugar, partikular na sa state universities and colleges.

Matagal na natin itong pangarap kaya sana, makatulong talaga, lalo na sa mga paaralan. Malaking tulong ito sa mga estudyante para maging mas madali ang paggawa nila ng kani-kanilang assignments, projects at research. Kadalasan, karamihan sa mga dapat sasaliksikin ng mga mag-aaral ay hindi na makikita sa textbooks o sa libro. Mas madalas, makikita nila sa Wikipedia sa pamamagitan ng internet. Napakasakit malamang mayroon tayong 112 SUCs sa buong bansa, pero 15 lamang ang may free WiFi.

Gayunman, tiyak na pati mga magu­lang ng mga estudyante ay matutuwa dahil unang-una, hindi na aabutin ng gabi sa computer shops ang mga anak nila para lang maka­gawa ng assignments. Pangalawa, malaking tipid ito dahil hindi na nila kailangang gumastos ng load sa cellphone para magkaroon ng inter­net data. Sa paaralan pa lang, maaari na nilang magawa ang mga dapat i-research.

Ang proyektong ito ay pinaglaanan ng gobyerno ng kabuuang budget na P1.7 bilyon para ngayong taon. P326 milyon sa naturang halaga, inilaan sa free WiFi sa mga SUC, habang P1.36 bilyon ay para sa libreng WiFi sa mga pampublikong lugar.

Nakalulungkot, dahil 10 porsiyento lamang daw ng naturang kabuuang halaga ang nagamit ng Department of Information and Communications Technology o DICT ngayong taon.

Nakadidismaya dahil hindi nagamit nang husto ang budget at hindi agad naipatupad ang programang ito ng gobyerno.

Gayunman, ngayong may third Telco na tayo, kaunting panahon na lang at magiging magaan na rin sa magka­kahiwalay na pamilya ang pagkakalayo. Mayroon kasi tayong OFWs na minsan, hirap makausap ang kanilang mga kaanak sa Pilipinas dahil sa mahinang internet o walang load sa bahay, gayundin ang mga estudyanteng nasa Maynila, habang nasa probinsiya ang mga magulang kaya sana, maipatupad na ito sa lalong madaling panahon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.