- BULGAR
WRESTLER ANGANA, 5 PANG PINOY, NAKA-6 GOLD SA SEA CHAMPIONSHIPS

NAGPAKITA ng maiigting na lakas ang Team Go-For-Gold Philippines at nagparamdam ng kahandaan sa Southeast Asian Games sa 2019 matapos kumulekta ng 6 na gold medal sa katatapos na Southeast Asian Senior Wrestling Championships sa Dalubhasaan Lungsod ng San Pablo sa Laguna.
Namayani sina veteran grapplers Margarito Angana at Michael Vijay Cater sa kani-kanilang weight classes sa Greco Roman event kasama si Noel Norada sa week-long meet tampok ang pinakamahuhusay na wrestlers sa 11-nation region.
Hindi kumupas ang skills ni Angana mula nang maging 2-time SEA Games gold medalist nang talunin si Plyabut Wiratul ng Thailand sa men’s 60kg habang si Cater ang nagkampeon sa 55kg title kontra Thai Nattawut Keawkhanchum bago ang magkasunod na tatlo ni Norada nang talunin si Pham Van Co ng Vietnam.
Nanguna si Luke Cruz sa 125kg category sa men’s freestyle nang talunin si Dimas Septo Anueraha ng Indonesia sa finals, kasama sina women freestyle gold medalists Minalyn Foy-os (57kg) at Noemi Tener (68kg) sa podium.
“We’re very proud our wrestlers. We believe that with our support, they can win more gold medals for the country,’” ayon kay Go For Gold Philippines godfather Jeremy Go.
Hindi nagtagumpay si Jason Balabal, isa pang two-time SEA Games gold medalist nang masilat sa finals match sa Indonesian foe sa men’s 87kg Greco Roman maging si Jefferson Manatad kontra Supriono ng Indonesia sa 77kg.
Nalagay si Ronil Tubog (61kg) at Francis Villanueva (97kg) sa silver medal maging sina lady freestyle wrestlers Grace Loberanes (50kg), Kristine Jambora (53kg), Shelly Avalino (62kg) at Sweet Berry Perez (72kg). Nagbulsa rin ang Pinoy grapplers ng 8 silver at 13 bronze medals.
Nakapag-uwi ang Vietnam ng 12 gold, 11 silver at 8 bronze para sa overall title ng torneo na pakay paangatin ang kompetisyon sa Southeast Asian level.
Naka-bronze medal sina Greco Roman specialists Jonathan Maquilan (63kg), Exel Tubog (67kg), Jason Baucas (72kg), Ronaldo Salon (97kg) at Smael Trazona (130kg) at freestyle wrestlers Alvin Lobreguito (57kg), Jhonny Morte (61kg), Joseph Angana (65kg), Jossel Canolas (65kg), Anthony Pajaron (70kg) at Royce Tiu (86kg). Sumagupa rin si Tener sa 65kg women freestyle event at nakakuha ng bronze kasama si Bemyla Bernas (57kg). (MC/ATD)