PAGULAYAN, PINAGHARIAN ANG 2 EVENTS SA SPARKLE SC
- Eddie M. Paez Jr.
- Nov 13, 2018
- 1 min read

NAGPAKITA nang malupit na porma ang Pinoy cue artist na si Alex “The Lion” Pagulayan upang pagharian ang dalawang events sa 2018 Annual Sparkle City Shootout sa Steakhorse Restaurant & Billiards ng Spartanburg, South Carolina.
Dinaig ni Pagulayan ang 94 iba pang bilyarista upang angkinin ang trono ng 10-ball na bakbakan.
Kasama sa mga pinakitaan ng tubong Isabela ng husay ang mga batikang kababayang sina Warren “The Warrior” Kiamco at Dennis “Robocop” Orcullo. Nakarating sa hotseat si Pagulayan matapos niyang sipain papunta sa one-loss bracket si Orcullo.
Hindi na nakaahon si Orcullo mula rito at sa halip ay ang pambato ng Cebu na si Kiamco ang nakaabanse sa finals. Pero hindi na pinaporma ni Pagulayan ang Cebuano.
Nasa listahan din sa mga naghangad sa titulo ngunit umuwing bigo ang mga bigating cue artists tulad nina Carlo “Black Tiger” Biado, Johnny “The Scorpion” Archer, Francisco “Django” Bustamante, Skyler Woodward, Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, Jonathan Pinegar at Tony “T-Rex” Chohan.
Sa panghimagas na event ng kompetisyong dinaos na sa panglimang taon, nagsilbing sprint ang One Pocket event at hinawi ni Pagulayan sina Pinegar, Bustamante Danny Smith upang matagumpay na makuha ang korona.
Hindi naman nakasabay sa karipas ni Pagulayan sina John Morra ng Canada, Can Salim, J. Burd, Chohan, Josh Roberts, Orcullo at Kiamco.





Comments