- BULGAR
Hiling ng solo parents na dagdag-suporta mula sa pamahalaan, pagbigyan!
RYAN B. SISON / BOSES
“SANA, tulad ng senior citizens at person with disabilities, mabigyan din ang solo parents ng discount”, ito ang sinabi ng isang miyembro ng Solo Parents Welfare Act (SPWA), isang grupo sa ating bansa na sumusuporta sa mga magulang na solong bumubuhay sa kanilang mga anak.
Kung saan sa paggunita ng ika-18 anibersaryo ng pagpasa sa batas para sa mga single parent, humiling muli sila ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe at mga pangunahing bilihin.
Bukod kasi sa mga benepisyong nakukuha ng mga solong magulang na bumubuhay sa kanilang mga anak na pinatitibay ng SPWA, sinabi ni Carina Javier, presidente ng Federation of Solo Parents, na kailangan pa ng mga single parent ng karagdagamg suporta mula sa pamahalaan tulad ng mga benepisyong nakukuha ng senior citizens at person with disabilities (PWDs).
Ito ay ang diskuwento sa basic commodities tulad ng tuition fee, hospital expenses, laboratory at pamasahe.
Samantala, alam nating lahat na hindi madaling maging solong magulang, lalo na at ang hirap ng buhay ngayon dahil dumodoble ang responsibilidad na dapat nilang gampanan hindi lang sa pinansiyal kundi maging sa pisikal, espirituwal at emosyunal.
Gayundin, kahit nagdodoble-kayod na sila ay hindi pa rin ito sumasapat sa kanilang mga gastusin.
Kaya maliban sa naipasang pagbibigay ng 20% discount sa mga kainan, mayroon pa ring 18 panukala sa mababang kapulungan at 5 sa Senado na aamyenda sa naturang batas para sa mga single parent.
Kaya ang hiling ng mga solo parent na sana ay maamyendahan na ito nang sa gayun ay maisakatuparan nila ang pagbibigay ng magandang kinabukasan para sa kanilang mga minamahal na anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.