ATAKE NG TAGUIG GENERALS, PANG-NBL QUARTERFINALS NA

NABUHAY ang pag-asa ng Taguig Generals na makapasok sa quarterfinals ng National Basketball League (NBL) Philippines pagkaraang talunin ang Parañaque Aces, 80-69, noong Sabado sa Ugnayang La Salle Gymnasium sa Dasmariñas City sa Cavite.
Pinangunahan ni Richmond Gilbero ang atake ng Generals pagkaraang gumawa ng 19 points at 13 rebounds para dalhin ang Taguig sa panalo sa kanilang huling laro ng elimination round. Umakyat ang kartada ng Taguig sa 4-5 katabla ng Nueva Ecija Go Bespren sa pang-anim na puwesto sa team standings.
Tanging ang top six ang aabanse sa playoffs ng liga na para sa mga homegrown talents na ipinapalabas sa Basketball TV, Solar Sports, at NET 25.
Tinalo ng Dasmariñas Ballers ang Nueva Ecija Go Bespren, 81-76, upang umakyat ang kartada sa 5-3.
Pumutok si John Cantimbuhan matapos magtala ng 28 points habang nag-ambag ng 17 points, 10 rebounds, at 9 blocks si JP Rabe para sa Dasmariñas na ngayon ay nasa pang-apat na puwesto sa team standings. Nagtipa ng 20 points si Edjie Jejillos para sa Nueva Ecija na bumaba ang kartada sa 4-5.





Comments