TAMARAWS, ‘DI MATIBAG SA TSANSA NG UAAP FINAL FOUR
- BULGAR

- Nov 12, 2018
- 1 min read

NANATILING matibay ang tsansa ng Far Eastern University na umabot sa Final Four matapos nilang talunin ang season host National University,79-74 sa unang laro kahapon sa UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Nag-init si Arvin Tolentino mula sa umpisa ng laro at isinalansan ang lahat ng kanyang 16 puntos na output sa first half upang pamunuan ang ratsada ng Tamaraws.
“So far, these boys are playing really well the past two games. Hopefully, we can sustain this,” pahayag ni coach Olsen Racela matapos ang panalo na nagtabla sa kanila sa University of the Philippines sa ika-4 na puwesto taglay ang markang 7-6, panalo-talo.
Nakabalikat ni Tolentino sina Ken Tuffin at rookie L-Jay Gonzales na nagposte ng 15 at 9 na puntos ayon sa pagkakasunod.
“Yun na yun. We’re still in the hunt,” ayon pa kay Racela.
Bagamat nakapag-ambag lang ng 9 na puntos, nasapawan ni Gonzales ang naitalang career game ng kapwa rookie na si John Lloyd Clemente para sa Bulldogs.
Nagposte si Clemente ng season high 38 puntos, 21 dito ay ginawa niya sa third period kung saan humabol pa ang Bulldogs mula sa pagkakaiwan ng hanggang 16-puntos.
Doon na pinatay ni Gonzales ang momentum ng Bulldogs matapos siyang umiskor ng limang sunod na puntos para ilayo ulit ang Tamaraws, 76-65 may 5:29 pang nalalabing oras sa laro.
Kailangan na lang ng Tamaraws na ipanalo ang huling laban kontra Adamson University at umasang matalo ang Fighting Maroons sa De La Salle University upang makausad sila sa semis. (VA)





Comments