Search
  • BULGAR

Pagpatay dahil sa war on drugs, mas masahol pa sa trahedya ng “Yolanda”

FR. ROBERT P. REYES / KAPAAYAPAAN

LIMANG taon nang nakararaan ang trahedya ng Bagyong Yolanda. Unti-unti nang lumalamig ang paggunita sa napakahalagang araw na hindi lang yumanig sa ating bansa kundi sa buong mundo. Maituturing ito na isa sa pinakamalakas na bagyong nanalanta.

Kapansin-pansin ang epekto ni “Yolanda” sa buong mundo. Naroroon sa airport ang iba’t ibang lahi upang tumulong sa mga nasalanta ng bagyo at napuno ang paligid at looban ng city hall ng local at international volunteers.

Pagkaraan ng limang taon ng trahedya ng Bagyong Yolanda, higit bang lumalim ang ating kamalayan sa kalikasan at sa positibo o negatibong epekto ng pananaw at pagkilos ng tao rito? Hindi ang kalikasan ang lumikha o nagbunsod sa Climate Change at Global Warming. Nagbabago ang kalikasan at umiinit ang klima hindi dahil sa kanyang sarili kundi dahil sa patuloy na pang-aabuso at pagpapabaya ng tao sa kalikasan. Ang pananaw at pagkilos na may negatibong epekto sa kalikasan ay pinalalala ng mali at hindi luntiang politika.

Gayunman, mahigit dalawang taon na ang war on drugs ay hindi na naibabalita ang maraming tinotokhang at pinapatay tulad sa pagkalimot ng marami sa “Yolanda” na tila ganu’n na rin ang nangyayari sa mga walang tigil na pagpatay sa mga napaghihinalaang sangkot sa droga. Paulit-ulit na nating sinasabing isyu ng kalusugan ang droga bagamat, mayroon itong aspetong kriminal, hindi nalulutas ang droga sa pamamagitan ng pagpatay.

Halos lahat ng namatay noong “Yolanda” ay bik­tima ng bagyo ng pagtaas at pagragasa ng alon, gayundin, sa war on drugs, hindi namatay kundi pinatay. Sino ang pumatay, sino ang riding-in-tandem at sino ang nag-utos na pumatay?

Hindi natural ang kamatayan ng mahigit nang 30 libong biktima ng war on drugs, hindi kalikasan kundi tao ang pumatay sa kanila at malinaw na mas masahol pa kaysa “Yo­landa” ang mga pumatay at patuloy pa ring pumapatay dahil sa war on drugs?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.