top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paghahari ng Smart at Globe, matatapos na | 3rd Telco, pasok!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 12, 2018
  • 2 min read

SA totoo lang, ang pagtatalaga kamakailan ng administrasyong Duterte ng “pangatlong Tel­co” ay napakahalaga hindi lang sa ikauunlad ng bayan kundi sa kapakanan ng masa.

Ang “pangatlong Telco” ay ang pangat­long kumpanyang magpapatakbo ng serbis­yong pang-telekomunikasyon.

Pangatlong “Telco” ito dahil dalawa lamang ang kumpanyang Telco mula pa noong 1998 na mistulang “monopolyo”.

Ito ang PLDT-Smart at Globe Telecom at kung mapapansin ninyo, halos pareho lang ang presyo ng dalawa para makagamit kayo ng cellphone at internet.

Gimik-gimik lang ang kunwaring pagkakaiba ng presyo nila, gayunman, kaya tinatawag itong monopolyo dahil wala tayong magagawa kun­di ang tangkilikin ang serbisyo nila sa presyo nila.

Gayunman, sa totoo lang, ang presyo ng Smart at Globe ay napakataas kumpara sa presyo sa ibang bansa. Halos doble raw ang presyo nito kumpara sa presyo sa Thailand at Hong Kong.

Ang masakit pa nito, ang pinakamalaking may-ari ng dalawang kumpanya ay mga ban­yaga.

Ang pinakamalaking may-ari ng Smart ay ang napakayamang negosyanteng si Anthoni Salim na taga-Indonesia.

Gayundin, ang pinakamalaking may-ari ng Globe Telecom ay ang Singapore Telecoms, isang kumpanyang pag-aari ng gobyerno ng Singapore. Ang mga “Kastilaloy” na mga Ayala ay panglawang pinakamalaking may-ari lang ng Globe.

Kaya bilyun-bilyong kita ng Smart at Globe ang inilalabas sa bansa, buwan-buwan!

Gayunman, wawasakin ng pangatlong Tel­co ang monopolyo para magkaroon ng mas mababa ng hindi hamak ang mga presyo nito.

Napakalaking bagay kung mapabababa ng pangatlong Telco ang presyo ng telekomuni­kasyon.

Ito ay napakahalaga sa masa dahil na­pa­dadali nito ang komunikasyon kahit sa mga maliliit na mga negosyo tulad ng pagtitinda sa palengke at pagpapatakbo ng sari-sari store.

Mayroong mga nagsasabing matapos ang gastos sa pagkain, ang malaking gastos ng mga tao ay ang pagbili ng “load”.

Ang nanalo sa “bidding” na ginawa ng gob­yerno para sa ikatlong Telco ay ang kum­panyang Mislatel Consortium, na binubuo ng Udenna Corp. na pagmamay-ari ni Dennis Uy, ang negosyateng taga-Davao ng China Tele­communications, isang dambuhalang kum­panya na pagmamay-ari ng gobyerno ng China at Mindanao Islamic Telephone Corp. (Mis­latel).

Gayunman, marami agad ang tumutuligsa sa pagkapanalo nito dahil ang malaking may-ari raw nito ay si Dennis Uy, na kilalang matagal ng kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Para sa atin, mabuting nasa likod ng pangat­long Telco si P-Duterte dahil ang mga dambu­hala rin ang kakalabanin nito, ang Smart at Globe.

Nakuha ng negosyanteng si Salim ang Smart dahil sa napakalaking tulong noong 1998 ni dating Pangulong Joseph Estrada, na sina­sabing nakakuha ng P3 bilyon sa transaksiyong ito.

Kilalang-kilala naman ang mga Ayala na malaking may-ari ng Globe (sumunod sa Singapore Telecoms) ay malapit kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ganyan ang kalagayan sa Pilipinas, nag­balak maging pangatlong Telco noon ang isang grupo na pagmamay-ari ng San Miguel Corp. at Aus­tralyanong kumpanyang Telstra.

Gumastos ito ng daan-daang milyones, pero sumuko rin dahil walang suportang nakuha sa gobyerno ni ex-P-Noy.

Balitang tinakot daw ang Telstra na hindi matutuloy ang balak na maging pangatlong Telco dahil idedemanda ito.

Kung magwawagi ang pangatlong Telco na wasakin ang monopolyo ng Smart at Globe ay napakahalagang kontribusyon ito ni P-Du­terte sa bayan at masa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page