Search
  • BULGAR

Obligasyon dapat gawin ng airlines na nakapaloob sa batas

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA / MAGTANONG KAY ATTORNEY

NAKASAAD sa Artikulo 1732 ng Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:

“Common carriers are persons, corporations, firms or associations engaged in the business of carrying or transporting passengers or goods or both, by land, water or air, for compensation, offering their services to the public.”

Ang mga airline ay isa sa mga uri ng transportasyon na binibigyang-regulasyon ng ating batas upang mabigyan ng proteksiyon ang mga mananakay at maging ng mga kumpanya ring nagmamay-ari nito. Isa ang airline na itinuturing ng batas bilang isang common carrier.

Ang air transportation ay isang mahalagang industriya sa ating bansa. Ito ay kinakailangan upang ang mga tao, kalakal at iba pang bagay na kinaka­ilangang makasakay ng eroplano ay makarating sa destinasyon nito. Nang dahil dito pangangalagaan ng estado ang karapatan ng bawat personalidad na gumagalaw sa industriyang ito.

Ayon sa Joint DOTC-DTI Administrative Order No. 01 Series of 2012, ang tiket na binili ng pasahero ang nagiging basehan ng kontrata ng pasahero at ng airline company. Dahil dito, ang airline company ay mayroong obligasyong dalhin ang pasahero sa kanyang desti­nasyon nang maayos at ligtas ayon sa napagkasunduang ruta sa takdang-oras at petsa.

Maliban sa obligasyon ng air carrier na dalhin ang kanyang pasahero nang maayos at ligtas, ito ay may obligasyong ipagbigay-alam sa mga magiging pasahero nito ang termino ng kanilang kontrata. Ang mga terminong ito ay marapat na mailagay sa tiket o sa isang doku­mentong nakasama sa tiket. Kasama sa mga terminong ito ang mga dokumentong marapat na ihanda ng pasahero para sa kanyang check-in, ang proseso para sa check-in deadlines, refund o rebooking policies maging ng mga polisiya para sa delayed at canceled flights.

Bukod sa pagsusulat ng mga terminong ito sa tiket, marapat na maipaliwanag din ng airline company sa pasahero ang nasabing mga alituntunin sa salitang naiintindihan nito.

Ang mga pasahero ay may karapatang mabigyan ng maliwanag na anunsiyo tungkol sa pamasahe. Kaugnay nito, ang airline company ay mayroong obligasyon na magbigay ng maliwanag at hindi ma­panlinlang na patalastas tungkol sa pamasahe at sa promo fare nito.

Kapag ang pasahero ay may karapatang mabigyan ng kompensasyon o kabayaran dahilan sa pagkakaantala ng kanyang lipad o ng iba pang dahilan na pinapayagan ng batas, obligasyon ng air carrier na ibigay nang agaran ang nararapat na kompen­sasyon at kabayaran sa lalong madaling panahon sa air carrier’s counters sa paliparan o sa main office at sangay nito alinman ang piliin ng pasahero.

Ang air carriers ay may obligasyong maglaan ng customer service representatives upang magbigay ng solusyon sa mga karaniwang problema tulad ng pag-aayos ng pagkain at hotel rooms ng mga stranded passenger, pag-aayos ng mga problema sa bagahe, check-in at iba pang reklamo.

Ang air carrier ay marapat na ibalik ang checked baggage fees kung hindi gagamitin ng pasahero ang airline ticket sa kondisyong ang nasabing tiket ay refundable at ang hindi paggamit ng pasahero ng nasabing tiket ay hindi niya kasalanan.

Ang mga airline company ay may obligasyong magbigay ng kanilang buwanang ulat sa Civil Aeronautics Board (CAB) ng mga sumu­sunod:

“a) The number of regular and promotional fare passengers who have been denied boarding, or whose flights were delayed or cancelled;

b) The number of regular and promotional fare passengers whose baggage was lost, damaged or off-loaded; and

c) The number of regular and promotional fare passengers who died or sustained an injury during the course of the flight or performance of the contract of carriage, as well as the reasons and other circumstances of such occurrences” (Chapter V, Section19, Joint DOTC-DTI Administrative Order No. 01 Series of 2012).

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.