- BULGAR
LACUNA AT DAOS, MATIBAY SA 2 GOLD SA UAAP SWIMMING

SINIMULAN nina reigning MVPs Jessie Khing Lacuna at Chloe Daos ang kampanya ng Ateneo para sa tangkang panatilihin ang hawak na dalawang titulo makaraang magsipagwagi ng tig-2 gold medal sa unang araw ng UAAP Season 81 swimming competition sa Rizal Memorial Pool.
Pinagharian ni Lacuna ang men’s 800-meter freestyle matapos maorasan ng 8:33.98 sa event na dinomina ng Blue Eagles sa ipinoste nilang 1-2-3 finish na sinundan niya ng panalo sa 100-meter freestyle sa tiyempong 52.18. Umani rin ng panalo si Season 79 MVP Aldo Batungbacal para sa Ateneo makaraang manguna sa 200-meter individual medley (2:09.49) bukod pa sa silver medal niya sa 800-meter freestyle (8:46.39).
Nag-ambag naman si rookie Ianiko Limfilipino ng silver medal sa 200-meter freestyle (2:12.48) at bronze sa 800-meter freestyle (8:59.31).
Isang bagong league record ang itinala ng nakaraang taong Rookie-MVP na si Daos sa women’s 800-meter freestyle matapos maorasan ng 9:24.51, na bumura sa dating record na 9:26.11 na itinala ng kapwa Lady Eagle na si Kim Uy noong 2014.
Nagwagi ng silver medal sa nakaraang 41st Southeast Asian Age Group Swimming Championships sa Brunei, nanalo rin ng gold si Daos sa women’s 100-meter freestyle matapos maorasan ng 59.62 kung saan tinalo niya ang kakamping si Andrea Ngui (59.70).
Sa iba pang resulta, inangkin ng De La Salle ang opening day men’s relay events na 200-meter medley (1:48.87) at 800-meter freestyle (8:14.02)
Nakopo ni University of the Philippines tanker Nadine Tee ang gold medal sa 200-meter individual medley event sa oras na 2:31.87, habang naiuwi ng Lady Maroons ang gold medals sa 200-meter medley relay (2:06.93) at 800-meter freestyle relay (9:25.18). (VA)