- BULGAR
Ilang nagbebenta ng bigas, nalilito na sa suggested retail price
RYAN B. SISON / BOSES
HINDI mawawala sa kaugalian ng mga Pilipino ang kumain ng kanin, araw-araw, pero kung ang presyo ng isang kilong bigas ay umaabot na ng P50 pataas, sino pa kaya ang gugustuhing mag-extra rice niyan?
Gayunman, matatandaang, naglabas nang suggested retail price (SRP) sa bigas ang pamahalaan noong nakaraang buwan kung saan hindi na aabot sa P60 ang presyo ng bigas na ibinebenta sa merkado, ginawa nila ito upang maiwasan daw umano ang pananamantala ng ilang nagtitinda na nagtataas ng presyo. Makatutulong din ito kahit papaano upang maibsan ang mabigat na gastusin ng bawat pamilyang Pilipino.
Kaya lang ang buwelta ng ilang mga negosyante kung susundin nila agad ang SRP, sila naman ang malulugi dahil may mga bigas silang nabili sa malaking halaga bago pa man maipatupad ng gobyerno ang pagbabago ng presyo nito.
Kaya ang panawagan nila sa pamahalaan, pag-aralan munang mabuti ang ipatutupad na presyo nang sa gayun ay wala nang magrereklamo, gayundin kung magpapatupad ng SRP, siguraduhing patas para sa lahat ng negosyante at mamimili dahil pare-pareho lang naman natin itong kailangan at tinatangkilik.
Dagdag pa rito, hiling nila na payagan muna silang maubos ang mga bigas na ibinebente nila sa malaking halaga bago nila tuluyang sundin ang SRP.
Samantala, hiling natin na sana ay magkasundo na ang lahat nang sa gayun ay magkaroon na ng magandang pagbabago at kaayusan ang ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.