Search
  • BULGAR

Batas na maaaring malabag sa paggamit ng pesticide na mayroong sangkap na mercury

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA / MAGTANONG KAY ATTORNEY

Dear Chief Acosta,

Mayroon akong kaibigang chemist na nasa ibang bansa. Nalaman niyang mayroon silang ginagamit na mabisang pesticide laban sa mga pesteng sumisira sa mga halaman. Nakagawa siya ng kaparehong kemikal kasi alam niya kung paano ito gawin. Ayon sa kanya, mayroon itong mataas na konsen­trasyon ng mercury at iba’t ibang klase ng “organophosphates” na maaaring makasama sa kalusugan ng tao. Gayunman, nais namin itong subukan kung mabisa ito sa aming mga pananim na palay. May batas bang nakasasaklaw sa aming gagawin? — Roel

Dear Roel,

Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 6969 o “An Act to Control Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes, Providing Penalties for Violations Thereof, and For Other Purposes”. Nakasaad sa Section 13 ng batas na ito na:

“SECTION 13. Prohibited Acts. — The following acts and omissions shall be considered unlawful:

a) Knowingly use a chemical substance or mixture which is imported, manufactured, processed or distributed in violation of this Act or implementing rules and regulations or orders; x x x”

Nakasaad din sa Sections 41 at 42 ng DENR Administrative Order No. 29, Series of 1992 (DAO 29) o Implementing Rules and Regulations of RA 6969 na itinuturing na administrative violation at criminal offense ang paggamit ng kemikal o mixture na hindi dumaan sa tamang proseso na itinakda ng batas:

“Section 41. Administrative Violations. The following acts and omissions shall be considered as administrative violations:

1. All acts and omissions mentioned under Section 13 (a to c) of Republic Act 6969. x x x

Section 42. Criminal Offenses

1. Knowingly use a chemical substance or mixture which is imported, manufactured, processed or distributed in violation of this Act or implementing rules and regulations; […]”

Samakatwid, ipinagbabawal ang paggamit ng sinuman ng anumang kemikal o mixture na galing sa ibang bansa, ginawa, pinroseso o ipina­ma­hagi na hindi alinsunod sa mga batayan ng batas na ito o anumang patakaran na itinakda para rito. Sa madaling salita, maaari lamang ninyong ma­iproseso at magamit ang nasabing pesticide kung kayo ay susunod sa mga patakaran at regulasyon ng nasabing batas.

Kaugnay nito, nakasaad din sa DAO 29 na ang sinumang lumabag ay maaaring masampahan ng kasong administratibo at magmulta ng halagang hindi bababa sa sampung libong piso (P10, 000) hanggang limampung libong piso (P50,000). Higit pa rito, maaari rin siyang ma­sam­pahan ng kasong kriminal at mapatawan ng parusang kulong ng anim (6) na buwan at isang (1) araw hanggang anim (6) na taon at isang (1) araw at multa sa halagang animnaraang piso (P600) hanggang apat na libong piso (P4, 000). Hindi rin maaaring masakop ng Probation Law ang taong lalabag sa batas na ito. Kung ang taong lumabag ay isang dayuhan, siya ay pababalikin sa kanyang bansa at hindi na maaari pang makabalik sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang sentensiya.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais na­ming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impor­masyong ibi­bigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.