- BULGAR
Tips para hindi lumala ang eczema
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Problema ko ang balat ng aking anak, ito ay nangangati, tuyo, namumula at parang sugat-sugat. Ang sabi sa amin ay senyales daw ito ng sakit sa balat na eksema. Paano ba malalaman kung ito ay eksema at ano ang sanhi nito? — Daisy
Sagot
Ang pangunahing sintomas ng eczema ay tuyo at makating balat. Mabilis itong magsugat at mapula ang paligid ng bukul-bukol na rashes.
Narito ang tatlong uri nito:
Atopic — ito ay sanhi ng allergies sa pagkain o ibang mga bagay sa kapaligiran, gayundin ito ay namamana o nasa dugo. Tuyung-tuyo ang balat, sobrang kati at mapula, at kapag kinamot ay tuluyan nang bubuka at magsusugat.
Infantile seborrhoeic eczema (kilala sa tawag na cradle cap) — ito ay makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat na hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay sa ulo at buhok ng sanggol, pagkatapos ay paghuhugas nito ng may shampoo o sabon.
Allergic contact dermatitis — ito ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panligo o panlaba at pagkain.
Gayunman, kapag ang bata ay hindi nae-expose sa mga dumi at impeksiyon, mas malaki ang pagkakataon na maging prone sila sa allergy dahil mahina ang kanilang immune system at walang nilalabanan, gayundin, ang dalawang karaniwang sanhi nito ay ang pag-inom ng gatas ng baka at biglang pag-iba ng temperatura. Ang mga batang laki sa gatas ng ina ay may mas matibay ang immune system kaya malakas ang panlaban sa mga allergy at eczema.
Narito ang mga maaaring gawin upang hindi ito lumala:
Iwasan itong kamutin — upang hindi ito lumala at magsugat na maaaring pagmulan ng impeksiyon.
Iwasan ang paggamit ng sabon o cream — lalo na kung may namamaga o nagsusugat na rashes.
Magpahid ng moisturizer — maaaring gumamit nito ngunit, siguraduhing ito ay ipinayo ng doktor.
Obserbahan ang panlabang sabon na ginagamit — basahing mabuti ang nilalaman o ingredient nito, marami kasi itong allergens o mga sangkap na maaaring makasama sa eczema.
Bagama’t, ito ay hindi nakahahawa, ngunit, ito ay genetic. Gayundin, walang gamot na lubusang makapagpapagaling dito ngunit, may mga paraan para maibsan ang pangangati at pagsusugat. Gayunman, mahalagang kumonsulta agad sa doktor upang mabigyan ng mga topical cream at ointment.