- BULGAR
Hirit sa pamahalaan, huwag puro taas-presyo; dagdag-suweldo naman!
RYAN B. SISON / BOSES
MARAMI ng umaaray sa taas-presyo na ating nararamdaman sa kasalukuyan, pero ayon sa pamahalaan, magandang senyales umano ang pananatili ng 6.7 percent na inflation rate ng bansa dahil ito na raw umano ang simula ng unti-unting pagbaba ng presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan hanggang sa susunod na taon.
‘Yung para rin pala itong pag-abot sa ating mga pangarap dahil daraan ka muna sa hirap, bago mo makuha ang kaginhawahan ng buhay. ‘Yun lang!
Kaya lang, kahit na sabihin nating magandang senyales ito ay kawawa pa rin ang iba nating kababayan na walang sapat na pinagkakakitaan para matustusan ang kanilang mga pangangailangan.
Lalo na ngayong kahit may mga rollback sa petrolyo ay nagpapatuloy pa rin ang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Gayunman, ayon kay ABS Partylist Rep. Eugene de Vera, malaki ang epekto ng mataas na inflation sa rice hoarding kaya ngayon ay marami ng suplay ng bigas ang unti-unting bumabalik sa normal na presyo nito.
Samantala, hindi pa rin magbabago ang hiling ng mga Pilipino na itaas ang suweldo dahil kahit mukhang magandang balita ang pananatili ng inflation rate ay hindi pa rin natin kakayaning magtiis ng matagal na panahon na wala naman kasiguraduhan kung kailan matatapos ang paghihirap natin, lalo na at kalagayan na ng buong pamilya natin ang nakataya rito, maawa naman sana ang gobyerno!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.