P-Digong, kinantahan lang ni Ka Freddie, inendorso na sa pagka-senador, buwisit!
- BULGAR

- Nov 8, 2018
- 2 min read
MATAPOS SIYANG KANTAHAN, PARA KAY P-DUTERTE PANG-SENADOR NA SI FREDDIE AGUILAR—Nag-alay ng kanta si Senatorial candidate Freddie Aguilar kay P-Duterte sa opening ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at nang matapos kumanta, nilapitan ito ng pangulo at itinaas ang kamay at saka inendorso ang kandidatura nito sa pagka-senador.
Pambihira mantakin ninyo, kinantahan lang siya ni Freddie, eh, para kay P-Duterte ay puwede nang maging senador ang singer na ito, boom!
◘◘◘
SINUNGALING ANG MAG-AMONG PANGULO AT KANYANG SPOKESMAN —Ang sabi noon ni P-Duterte ay hindi raw niya economic adviser si Michael Yang dahil Chinese national daw ito at bawal sa Konstitusyon na gawing opisyal ng gobyernong Pilipinas ang dayuhan, pero nang may lumabas na dokumentong adviser nga ito (Yang) ay dito na napilitan si Presidential Spokesman Salvador Panelo na amining adviser ito ng pangulo.
Matapos makatikim ng batikos si P-Duterte sa pag-eendorso nito sa kandidato ni Freddie Aguilar, agad nagpatawag ng presscon si Panelo at sinabing hindi raw iniendorso ng pangulo ang kandidatura ng singer kahit pa may video na iniendorso ni P-Duterte ang kandidatura ni Aguilar.
Ganyan mga kababayan kasinungaling ang ating pangulo at kanyang spokesman, mga pwe!
◘◘◘
‘HIGHWAY ROBBERY’ NG LTFRB SA JEEPNEY OPERATORS? — Bago pagkalooban ng fare matrix para sa P10 pamasahe sa mga pampasaherong jeep ang jeepney operators ay inoobliga sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbayad ng P520 para sa increase of rate, P40 para sa franchise verification at P50 para sa fare matrix.
Ganu’n? Aba, dati kapag nagtataas ng pamasahe sa jeep ay walang ganyang mga bayarin.
Parang “highway robbery” ‘yan ng LTFRB sa jeepney operators, buwisit!
◘◘◘
CAVITE PNP DIRECTOR SEGUN, MAYOR RECAFRENTE AT MAYOR FERRER, ‘NGANGA’ SA RAKET NI ‘EGAY’ SA ROSARIO AT GEN. TRIAS—Mga drug addict daw ang kadalasang parukyano ni “Egay” sa kanyang raket na drop balls at color games sa Bgy. Salinas, Rosario at Bgy. San Franciso, Gen. Trias, kapwa sa Cavite.
Aba, kung mga adik ang mga parukyano ni “Egay”, baka may nagbebenta rin ng shabu r’yan.
O, Cavite PNP Director Sr. Supt. William Segun, Rosario Mayor Jose Voltaire Recafrente at Gen. Trias Mayor One Ferrer, “nganga” na lang ba kayo sa shabuhan sa drops balls at color games ni “Egay"? Aba, aksiyon na, dali!





Comments