Search
  • BULGAR

KUMAMBIYO PA SA BOLTS ANG DO-OR-DIE GAME!

HUMIRIT ng do-or-die game ang Meralco Bolts matapos tambangan ang Phoenix Fuel Masters, 90-74 kagabi sa quarterfinals ng 2018 Philippine Basketball Association, (PBA) Governors Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

May tangan na twice-to-beat ang Fuel Masters matapos sikwatin ang No. 2 seed pagkatapos ng 11-game elimination round kaya kailangan pang manalo ng isa ang Bolts.

Tumikada si dating best import Allen Durham ng 26 points, 16 rebounds at apat na assists para sa Meralco. Hindi nag-iwanan ang Fuel Masters at Bolts sa unang dalawang periods, abante ang Phoenix, 35-33 sa halftime.

Kumislap ang Boltahe ng Meralco sa third quarter kaya naagaw nila ang bentahe, 66-55 papasok ng fourth canto.

Samantala, maagang tinapos ng Barangay Ginebra at Magnolia ang kanilang quarterfinals matches kaya nalaman agad kung sino ang magtatapat sa semifinals.

Walang iba kundi sila ring dalawa, Tinalbos ng Hotshots ang Blackwater, 103-99 noong Martes habang pinatalsik ng crowd favorite Gin Kings ang NLEX, 111-75.

Ayon kay Ginebra point guard LA Tenorio, inaasahang bakbakan ang masisilayan kontra Magnolia sa kanilang Manila Clasico best-of-five semifinal series.

“It’s gonna be a long series because it’s gonna be a chess match,” ani Tenorio. “Magnolia will come out really aggressive against us, knowing that we have their numbers. They’re gonna be motivated playing against us so we have to be ready to adjust also.”

Sasandalan ng Ginebra ang kanilang seven-game winning streak kontra Pambansang Manok Hotshots. “Parehong defensive team,” hayag ni Tenorio. “I think it’s gonna be a challenge for us to play against their guards kasi they’re a guard-oriented team na nagko-complement sa import nila so we have to be mindful of that.” (ATD)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.