- BULGAR
Ilang taxi drivers na hindi pa rin natinag sa pandaraya, sampolan!
RYAN B. SISON / BOSES
TAXI ka ba, kasi kada minuto napapamahal ako sa’yo, eh! ‘Yung mapapahugot ka na lang ng ganito dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin pala tumitigil ang ilang taxi drivers sa panlalamang sa mga pasahero.
Sa reklamong natanggap natin mula sa isang concerned citizen, sinabi niya na noong sumakay siya ng taxi, kamakalawa ay masyadong mataas ang fare meter nito dahil kada minuto ay 2 piso na agad ang dagdag at kada kilometro ay 14 pesos ang kabuuang dagdag.
Lumalabas na kung ‘yung dating normal fare niya na umaabot lamang ng P170-P180, ngayon ay naging P300 na halos doble ang idinagdag kung saan mapapakamot-ulo ka na lang talaga.
Bukod pa rito, may ilan ding mga taxi driver na kapag sumakay ka ang sasabihin ay “bahala na po kayo” kung saan hindi nila gagamitin ang metro at maniningil sila ng hindi bababa sa P300 piso. Grabe, grabe!
Kaya hindi rin natin masisisi ang iba kung bakit hanggang ngayon ay marami pa ring umaalma sa transport network vehicles dahil sa hindi makatarungang pasahe kahit malapit lang ang biyahe.
Gayunman, marahil dagdag din sa nakaapekto rito ang trapik na hindi pa rin masolusyunan ng gobyerno, sa trapik na lang talaga may forever!
Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, bukod sa problema sa dagdag-pasahe, inflation, patayan at marami pang iba, huwag din nating tatantanan ang ilan na nagpapatuloy pa rin sa pandaraya na ginawa na nilang hanapbuhay.
Doon tayo sa patas at makatarungang sistema at hindi sa bulok at nakabubutas ng bulsa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.