BATANG SOTTO, RIVERO AT SANTOS, NEW GILAS TEAM SA 2019 FIBA WORLD CUP QUALIFIERS
- Alvin Olivar / VA
- Nov 8, 2018
- 2 min read

INANUNSYO ni Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao ang 20-man pool ng koponan para sa darating na FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers window kung saan makakaharap ng Pilipinas ang Kazakhstan sa Nobyembre 30 at Iran sa Disyembre 3.
Nakasama sa 20-man pool sina Jayson Castro, Paul Lee, Alex Cabagnot, LA Tenorio, Matthew Wright, Marcio Lassiter, Scottie Thompson, Gabe Norwood, Troy Rosario, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, June Mar Fajardo, Beau Belga, Christian Standhardinger, Poy Erram, Ian Sangalang at ang bagong pasok na si Arwind Santos.
Napasama rin sa pool ang dalawang Gilas cadets na si Ricci Rivero at Kai Sotto. Ikinagalak ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio ang naturang line-up na nabuo matapos ang PBA board meeting kahapon. “We are very happy to announce that both the SBP and the PBA supports the proposal of coach Yeng Guiao. I think it will be maybe one of the best, if not, the best team that we would ever form to actually represent the Philippines in international competition,” saad ni Panlilio sa isang press conference.
Nagpapasalamat rin si Guiao sa buong suporta ng PBA sa pagbuo ng national team. “I would like to thank the PBA and the SBP for the unconditional support that they have given us for this team,” saad ni Guiao na natalaga na rin bilang permanenteng coach ng Gilas Pilipinas hanggang sa 2019 FIBA Basketball World Cup kung ang bansa ay makakapasok sa kompetisyon.
Wala sa listahan sina Andray Blatche at Terrence Romeo na maaari lamang sanang lumaro sa Disyembre 3 kontra Iran pagkatapos ng kanilang 3-game suspension mula sa FIBA. Ngunit nilinaw naman ni Guiao na kasama sina Blatche at Romeo sa ikokonsidera sa susunod na window ng qualifiers. Ayon kay Guiao, mas pinili niya muna ang mga manlalaro na nakapaglaro sa nakaraang FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers pool at sa Asian Games.
Bilang bahagi ng kanilang gagawing paghahanda, ang Team Philippines ay magkakaroon ng scrimmage games kontra Jordan sa Nobyembre 19 at 21 at kontra Lebanon sa Nobyembre 23 at 25 sa Meralco gym.





Comments