- BULGAR
Panawagan sa mga kinauukulan: Kaligtasan ng lahat, bigyan ng prayoridad
RYAN B. SISON / BOSES
STAIRWAY to heaven, ganito kung ilarawan ng ilang mamamayan ang mataas na footbridge sa Kamuning kung saan imbes na malaki sana ang maitutulong nito para sa mga dumaraan, perhuwisyo at katakut-takot pa ang kanilang nararamdaman.
Bagama’t, may grills at hawakan ay para ka ng magsi-zipline sa sobrang taas ng hagdan.
‘Yung tipong mapapadasal ka muna bago ka tumawid dahil hindi mo rin sigurado ang kaligtasan ng buhay mo, lalo na at ang ilalim nito ay ang dinaraanan ng Metro Rail Transit (MRT).
Pero, kung para sa kabataan at ilang matitibay pa ang katawan ay ayos sana ito, lalo na kung mas delikado ang pagtawid sa pedestrian lane rito.
Kaya lang paano ang senior citizens, buntis, persons with disabilities (PWDs) at mga may kasamang bata, hindi ba lugi sila kung patuloy na ganito ang magiging sistema?
Gayunman, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, ginawa ito dahil madalas nang nagkakaroon ng aksidente sa lugar kaya lang kung iisipin nating mabuti na sa sobrang taas ng hagdanan, maaari rin itong pagmulan ng mga aksidente.
Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, mas mainam kung matutuloy ang binabalak na mapalagyan ito ng elevator o escalator, gayundin, kung may gagawing proyekto, isipin ang kapakanan ng lahat at hindi sa piniling mga tao lamang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.