- BULGAR
Dapat malinaw at tama ang paggastos sa pondo ng eskuwelahan
KUYA WIN GATCHALIAN / WIN TAYONG LAHAT
HUMIGIT-KUMULANG na dalawang dekada nang simulan ng Department of Education (DepEd) na pagkalooban ang mga paaralan ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa pangangasiwa ng mga punong-guro.
Layunin ng MOOE na maiangat ang kakayahan ng mga eskuwelahan na magbigay ng school supplies, masuportahan ang mga programang pang-edukasyon, maipagkaloob ang ligtas at malusog na kapaligiran sa mga mag-aaral maging ang mga school personnel.
Itinalaga ang mga punong-guro ng bawat paaralan upang i-monitor ang Special Education Fund, Parent-Teachers Association, canteen, alumni association, renta o collection fees at iba pa.
Dapat maging malinaw at tama ang paggastos ng lahat ng pondong ito na naaayon sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
Ang alokasyon ng MOOE ayon sa DepEd Order No. 13, s. 2016 ay magagamit ng paaralan sa mga sumusunod:
Pambili ng school supplies at mga gamit sa pagtuturo.
Pangrenta at pampagawa ng minor repairs ng gusali at mga pasilidad.
Suweldo ng mga janitor at security guard.
Pambayad ng kuryente, tubig, telepono at internet.
Suportahan ang programang kurikulum base sa School Improvement Plan at Annual Implementation Plan at pangunahan ang school-based training, Learning Action Cell para sa mga guro at iba pa.
Pambayad sa mga gastusin ng Graduation Day at Recognition Day.
Para sa maliliit na gamit sa pag-aaral na hindi lalagpas sa P15, 000.
Base sa International Journal of Scientific Technology Research, hangad dapat ng mga guro at mga kinauukulan na magkaroon ng malinaw at bukas na paggamit ng pondo ng MOOE upang makapagpanatili at magdulot ng kabuuang pagtitiwala sa paghawak nito. Sa tulong ng tapat at maayos na pakikipagtulungan sa Commission on Audit (COA), magiging posible ito.
Sa kabila ng tulong na ito ng pamahalaan, may mga guro na kinakailangan pa ring maglabas ng personal na panggastos para sa mga kagamitan sa pagtuturo sa halip na kunin sa pondo ng MOOE.
Ngunit, dahil sa matinding pagmamalasakit sa kanilang mga estudyante para lamang matuto at makausad sa kanilang lessons sa klase, hindi na nila iniinda kahit mabawasan ang kanilang take-home pay.
Walang guro ang dapat mamili o mag-abono para sa pangangailangan ng eskuwelahan dahil mayroong pondo mula sa MOOE.
Ang mga punong-guro na siyang direktang nangangasiwa sa pondo ng MOOE ay may pananagutan sa pagiging totoo at tapat sa kanilang nasasakupan, lalo na sa nakikinabang nitong mga mag-aaral.
Lahat ng kanilang mga pagpapasya ay nagpapakita ng integridad sa kanilang tungkulin at kabutihan sa iba kaya hindi ito dapat ipinagsasawalambahala.
Malaki ang paniniwala ng ating mga guro maging ang mga magulang na ang MOOE ay malaking tulong at biyaya para mapunan ang mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon ng mga bata.
Mapatutunayan ito base sa magiging resulta ng antas at kalidad ng kaalamang matatanggap ng mga batang mag-aaral pagdating ng panahon kaya gamitin nang husto at maayos ang pondong ito dahil nakasalalay dito ang makabuluhang karanasan ng bawat kabataan.