- M. Alfonso
Bebot timbog sa investment scam
ARESTADO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 41-anyos na babae na nanloko ng may 30 katao sa isang investment scam.
Ipinrisinta ni NBI Anti-Graft Division Executive Officer for Operations Marlon Tauli, ang suspek na si Bernadette Badinas, may asawa ng Sto. Niño, Binangonan, Rizal.
Nagpapakilala umanong negosyante ang suspek at umano’y nagbibigay ng 15-20% interest sa inisyal na P800,000 kada biktima.
Ayon sa NBI, karamihan ng nabiktima ni Badinas ay mga overseas Filipino worker (OFW) at may-ari ng mga maliliit na negosyo sa Pasig at Mandaluyong at nagsimula na makapanloko noong 2015.
Kalaunan ay nag-iisyu na ito ng tseke para mabayaran ang mga tubo ng kanyang mga biktima pero nagtalbugan lahat. Naaresto ang suspek sa isang entrapment operation sa Sta. Cruz noong Oktubre 29.
Nasa kustodiya ngayon ng NBI ang suspek at sinampahan ng syndicated estafa at paglabag sa BP. 22 (bouncing checks).