Search
  • BULGAR

P25 dagdag-suweldo, kulang sa dagdag-gastusin ng pamilya, kaloka!

IMEE R. MARCOS / BUKING!

BACK-to-normal na ang lahat ngayon matapos ang medyo mahaba-habang break para makapag-unwind at makapag­pahinga mula sa mabibigat na trabaho at problema.

Isa sa pinakaaabangan natin ngayong linggo ay kung magkano ang dagdag-suweldong ibibigay sa mga mang­gagawa kasi bago pa tayo mag-break for Undas, umugong ang balitang P25 lang daw na umento ang inaprubahan diumano ng Metro Manila Regional Wage Board.

Talagang pinangunahan na nila ang pag-aanunsiyo sa paniwala na hindi na rito makaaatras ang nagre-review ng petition for wage hike. Mind setting ang ginagawa nila para hindi na rin umasa ang mga manggagawa na mas malaki sa P25 ang matatanggap nilang umento.

At kung totoong ganito lang ang inaprubahan ng wage board, susme, mukhang wala na talagang pag-asa ang mga manggagawa na maibsan ang pahirap na dinaranas nila ngayon. Ang P512 na kasalukuyang minimum wage na daragdagan ng P25 ay wala ring kabuluhan.

Hindi kaya ng P25 dagdag-suweldo na i-offset man lang ang mga dagdag-gastusin ng pamilya, lalo na at P10 na ang minimum na pamasahe sa jeep, gayundin, sa bus ay may dagdag-pasahe?

Ubos agad ang P25 sa dagdag-pasahe pa lang, eh, paano pa kaya kung lima kayo sa pamilya na namamasahe sa araw-araw, paano ang ibang mga bilihin na nagsitaasan ang mga presyo at paano na kung P25 lang ang umento?

Kaya hindi na tayo nagtataka na samu’t saring extra job ang pinapasok ng marami nating kababayan para lang makahanap ng dagdag-kita kahit ang katumbas nito ay pagsasakripisyo ng kanilang kalusugan.

Jusko! Sana, makita ni Manong Digong ang hirap na dinaranas ng ating mga worker. Alam natin na may puso ang pangulo para sa mga manggagawa kaya umaasa tayo na hindi niya pahihintulutan na P25 lang ang ibigay ng employers sa kanilang mga trabahador. Huwag sanang limos lang ang kanilang ibigay.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.