Search
  • BULGAR

Babala sa madalas sumasakit ang lalamunan!

SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC

Dear Doc. Shane,

May anak ako na 5 years old at palagi siyang may lagnat. Minsan ay nasilip kong namamaga at mapula ang kanyang tonsils. Mahilig siya sa kendi at hindi niya ito mapigilan, gayundin ayaw nitong uminom ng tubig. Ano kaya ang mabuting gawin? — Delia

Sagot

Ang tonsils ay nasa likod ng lalamunan, sila ang dalawang tumpok sa magkabilaang gilid nito. Kapag ito ay nagkaroon ng impeksiyon mula sa virus o bacteria, ang tawag dito ay tonsillitis. Malimit ang tonsillitis sa mga batang nasa edad 5 hanggang 15.

Madalas na nakukuha ang tonsillitis mula sa sipon, flu o sa bacteria na streptococcus.

Narito ang mga sintomas nito:

  • Namamaga at namumula na tonsils

  • Puti o dilaw na batik sa tonsils

  • Masakit kapag lumulunok

  • Sore throat o masakit na lalamunan

  • Lagnat

Gayunman, depende kung dala ito ng bacteria o virus kung viral ang tonsillitis ka­yang labanan ng katawan ang sakit ng mag-isa at kapag bacteria ang sanhi, antibiotic ang madalas na ibinibigay ng doktor.

Self-care tips na maaaring makatulong para maibsan ang tonsillitis ng bata:

  • Subukang bigyan ng maligamgam na tubig na may kalahating kutsaritang asin para imumog nila.

  • Iwasan ang pagbibigay ng malalamig at matatamis na pagkain o inumin.

  • Kung hindi maiwasang kumain ng anu­mang matamis, dapat painumin sila agad ng tubig.

Gayundin, kung ang lagnat at pamamaga ng lalamunan nito ay tumagal na ng 3 araw hanggang isang linggo, makabubuti kung magpapatingin na agad sa doktor upang mabigyan ng kaukulang atensiyon ang bata.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.