PINOY YABO VS. ZANE; KADESTAM VS. MCGUIRE SA ONE JAKARTA


INANUNSIYO ng global sports media property ng Asya, ONE Championship, ang main event ng ONE: Warriors Dream, na nakatakda sa Nob. 17 sa Stadium Istora sa Jakarta.
Muling itatampok sa bakbakan ang mga pinakamababangis na lokal at international martial arts talent kung saan sa main event ay sina Zebaztian “The Bandit” Kadestam ng Sweden kontra Tyler McGuire ng United States para sa bakanteng ONE Welterweight World Championship. Bilang dagdag, ang serye ng malulupit na tapatan ay nakaiskedyul din.
Si dating PXC Welterweight Champion Kadestam ay nagsimula ng training sa Muay Thai noong 12-anyos pa lamang hanggang sa hasain ang disiplina sa Pancrase Gym sa Stockholm, bumiyahe pa-‘Pinas at hasain ang skills sa Legacy Gym sa Boracay.
Bagamat hindi siya naging matagumpay sa welterweight title kontra dating champion Ben Askren, pinabagsak ni Kadestam ang dalawang high-profile victories laban kina top contenders na sina Luis Santos at Agilan Thani.
Samantala si undefeated American mixed martial artist Tyler McGuire ng Washington, USA ay isang submission specialist at walang dungis ang 11-0 professional record, hawak ni McGuire ang pitong panalo sa bisa ng submission.
Kilala sa kanyang abilidad na ipakita ang husay sa grappling techniques, gagamitin ni McGuire ang skills niyang ito lalo na at kagagaling lang niya sa panalo laban sa mapanganib na si Luis Santos sa pahirapang 3-round battle sa bisa ng unanimous decision. Ang performance ay impresibo para sa itatakdang title shot ni McGuire kontra kay Kadestam.
Samantala, hawak naman ni Jimmy Yabo ng Cebu City, ang third-degree black belt sa taekwondo at beterano ng Philippine martial arts scene. Nakilala si Yabo nang gitlain sa one-punch knockout si Bashir Ahmad at tapusin ang Pakistani sa loob lamang ng 21 segundo. Ngayon ay balik aksiyon siya kontra Zach Zane.
Magsasagupa naman sa iba pang card sina multiple-time Kickboxing World Champion Nieky Holzken na may halos 100 panalo sa iba’t ibang martial arts disciplines kabilang na ang boxing, kickboxing, at Muay Thai at may 50 knockouts na sa boxing ring. Babanat siya kay Cosmo Alexandre. (MC)





Comments