Pagbabago sa schedule ng pagbabayad ng kontribusyon sa SSS, alamin!
- BULGAR

- Nov 4, 2018
- 2 min read
Dear Atty. Art,
Magandang araw! Narinig kong may pagbabago sa schedule ng pagbabayad ng hulog sa SSS. Nais ko sanang malaman kung totoo ba ito?— Edgar Pato ng Navotas City
Sagot
Totoo ang balitang may pagbabago sa deadline ng pagbabayad ng kontribusyon para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2018.
Sa kasalukuyang iskedyul ng pagbabayad, nakabatay ang deadline ng employers sa huling numero ng kanilang employer (ER) number. Ngunit, noong Setyembre, naglabas ng resolusyon ang Social Security Commission (SSC) na nagaatas na rebisahin ang deadline para sa pagbabayad ng buwanang kontribusyon para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2018. Bunga nito, naglabas ang SSS ng circular noong Oktubre tungkol sa pagbabago ng deadline sa pagbabayad ng kontribusyon.
Para sa employers, mula sa kasalukuyang deadline na ika-10, ika-15, ika-20, ika-25 at katapusan ng buwan ay maaari na silang magbayad hanggang sa katapusan ng buwan ang kanilang obligasyon sa SSS.
Halimbawa, kung ang deadline ng kumpanya sa pagbabayad ng kontribusyon para sa buwan ng Oktubre 2018 ay Nobyembre 10, 2018, maaari pa rin itong bayaran hanggang Nobyembre 30, 2018 nang walang multa.
Para sa mga household employer, self-employed at voluntary member, ang kontribusyon para sa buwan ng Enero hanggang Disyembre 2018 ay maaaring bayaran sa loob ng parehong taon. Samantala, ang kontribusyon para sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2018 ay maaaring bayaran bago o sa Enero 31, 2019.
Kung sakali, ang revised schedule ay pumatak ng Sabado, Linggo o holiday, maaaring magbayad sa susunod na araw na may pasok.
Halimbawa, ang kontribusyon para sa Hulyo hanggang Setyembre 2018 ay maaaring bayaran hanggang Disyembre 31, 2018, subalit, dahil ang Disyembre 31, 2018 ay nonworking holiday, ang deadline ay magiging Enero 2, 2019.
Anumang multa na binayaran ng mga employer base sa kasalukuyang deadline ng mga angkop na buwan mula Enero hanggang Disyembre 2018 ay isasauli ng SSS.
Sa kabilang dako, pinaaalalahanan natin ang mga self-employed at voluntary member na magbayad ng buwanang kontribusyon gamit ang Payment Reference Number (PRN). Ang PRN ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod: (1) PRN inquiry facility ng collection partners ng SSS; at (2) mula sa My.SSS online account ng miyembro gamit ang www.sss.gov.ph ngunit, dapat updated ang mobile number na nakalagay sa My.SSS account; (3) sa alinmang sangay ng SSS.
Makatatanggap ng abiso ang miyembro sa pamamagitan ng text message na ang kanilang kontribusyon ay nai-post na pagkatapos ng pagbabayad.
Lahat ng pagbabagong ito sa pagbabayad ng kontribusyon ay alinsunod sa pagpapatupad ng Real Time Posting of Contributions (RTPC) program.
Nawa ay nasagot namin ang iyong katanungan.





Comments