Search
  • BULGAR

Masakit at madilim na nakaraan, dapat pa ring pahalagahan

FR. ROBERT P. REYES / PATAKBO-TAKBO

NAPANOOD natin noong nakaraang Huwebes ang isang kakaibang pelikula. Napakasimple ng pelikula, umikot ang kuwento sa buhay ng isang pamilya at kakaibang pamilya ito, kapwa aktibista noong panahon ng diktaduryang Marcos ang magasawa. Nadakip ang mag-asawa sa bundok sa gitna ng pakikipaglaban sa mga puwersa ng pamahalaan.

Kapwa nahuli sa bundok ang magasawang Liway at Toto. Buntis at halos manganak na si Liway noong sila ay nahuli. Sa detention center na lumaki ang kanilang panganay na pinangalanang Dakip. Mula sa kanyang pagsilang hanggang sa mga unang taon ng kanyang kamusmusan, walang ibang nakikilalang buhay si Dakip kundi ang b u h a y - b i l a n g g o . Gayunman, mabait ang warden at nauunawaan nito ang pangangailangan ng detenidong pamilya. Dumating ang pagkakataon na napakiusapang isama sa labas si Dakip ng isang madreng Katoliko. Bagamat, nag-atubili si Liway na payagan ang anak na sumama sa madre, nakumbinsi na rin ito ng madre. Nagsalita si Dakip sa isang pagtitipon ng mga aktibista at walang naibahagi ang musmos kundi ang kanyang pagkamangha sa mga bagay-bagay sa paligid na noon lang niya naranasan.

Nang papalapit na sa mga huling buwan ng rehimeng Marcos, napalitan ang maunawaing warden at ipinatupad nito ang kanyang bagong patakaran na dapat hiwalay ang mga lalaki at babae. Nahiwalay ang mga bata sa kanilang mga magulang at nalayo si Dakip sa kanyang ina.

Isang araw, may dumaang mga guwardiya na may daladalang bangkay ng isang bata na nakita ng kanyang ina. Pinayagang iyakan ng ina ang kanyang mahal na anak. Subalit, hindi na binigyan pa ng panahong magpaalam ang ina sa kanyang mahal na anak.

“Ilabas na ‘yan, patay na ‘yan at hindi natin gustong magkaroon ng anumang impeksiyon sa loob,” sigaw ng warden sa kanyang malamig at malupit na tinig.

Gayunman, patuloy na tumulong ang mabuting warden kina Liway at Toto. Nang untiunting nagbago ang ihip ng hangin at may umugong na balita na tumatagilid na ang diktador. Dumating ang pinakahihintay na araw at dumagundong ang balitang, “umalis na ang diktador!”

Nabanaag sa mga mukha ng mga detenido ang kakaibang liwanag. Magkahalong galak, pag-asa at ibayong buhay ang kumislap sa kanilang mga mata.

Gayundin, narinig natin ang mga bulungan sa mga katabing manonood na tila maging sila ay nakikiisa sa hindi mawaring kagalakan ng mga muling pinagkalooban ng kalayaan.

Ang pelikula ay kuwento ng mga lumaban noong panahon ng a d m i n i s t r a s y o n g Marcos. Gayunman, ano kaya ang pananaw ng mga manonood tungkol sa kasalukuyang panahon? Tapos na nga ba ang laban nina Liway, Toto at Dakip?

Nanumbalik ang nakaraan sa ating puso’t isipan. Lumaban din tayo bilang seminarista at pari sa pagmamalabis ng diktador. Subalit, halos pumutok ang ating kalooban sa naganap na pagtatagpo ng hindi mamatay-matay na nakaraan at ang mga makabagong halimaw na hawig sa tila mga kapatid nila sa nakaraan.

Ang memorya at kamalayan na pahalagahan ang mga masakit at madilim na karanasan ng nakaraan at kasalukuyan, hayaan itong itulak at gabayan ang lahat sa patuloy na paghahanap ng liwanag, kalayaan at katuturan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.