Pedicab driver na holdaper, utas sa pulis
- Maeng Santos
- Nov 3, 2018
- 1 min read

DEDO ang isang pedicab driver na unang nangholdap sa kanyang pasahero matapos makipagbarilan sa mga tumutugis na pulis sa Caloocan City.
Kinilala ni SPO4 Wyrlo Gatoc ang nasawing suspek na si alyas Waray, nasa 30-35 ang edad.
Nauna rito, sakay si James Lucero, 37, sa pedicab na minamaneho ng suspek subalit, pagsapit sa Salmon St., Bgy. 8, naglabas ng kalibre .38 revolver si ‘Waray’ sabay pahayag ng holdap at sapilitang kinuha ang mga gamit ng biktima bago tumakas.
Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng CIDG na nagsasagawa ng Oplan Pagtugis, Salikop malapit sa naturang lugar.
Alas-12:15 ng hatinggabi nang maispatan ng mga tauhan ng CIDG sa pangunguna ni Sr. Insp. Jayson Quijana ang suspek subalit, sa halip na sumuko, bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.
Nauwi sa barilan ang mga ito hanggang sa tamaan ang suspek sa katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Narekober ng pulisya sa nasawi ang kalibre .38 revolver, 7 plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.





Comments